ni Sen. Manny Villar
SA nakaraang panahon, simple lang ang pagsasalo-salo ng mga pamilya. Mas nais ng mga pamilya na kumain sa sariling bahay. Sa maraming pamilya, tuntunin nga na ang lahat ay uuwi para maghapunan.
Masaya ako sa pagkain kasama ang aking mga kaibigan sa Ma Mon Luk sa Quiapo at sa Chopsticks Restaurant sa Cubao. Sa mga pamilya naman, madalas puntahan ang Savory, Little Quiapo, Aristocrat at Max’s sa Roxas Boulevard, Ramon Lee’s Panciteria sa Ronquillo, Sta. Cruz, at ang mga masasarap na kainan sa Binondo.
Sa panahon ngayon, naging kumplikado ang pagpili ng kainan para sa pamilya dahil sa napakaraming maaaring pagdausan nito. Ayon sa 2012 Census of Philippine and Industry (CPBI), may 4,477 restoran sa bansa, kabilang ang 2,642 na matatagpuan sa National Capital Region (NCR). Natitiyak ko na mas mataas pa ang mga bilang na ito sa kasalukuyan dahil sa mga itinatayong mall sa mga kalunsuran.
Kabilang sa mga kainan ang mga simpleng karinderia, mga maliliit na puwesto, fast food hanggang sa mga mamahaling restoran. Iba’t iba rin ang mga putahe: Hapon, Koreano, Mehikano, Italiyano, Pranses, Amerikano, Aleman at marami pang iba.
Kaya nga karaniwan nang sagot sa tanong na “Saan tayo kakain?” ay “Kahit saan.”
Ito ay magandang bahagi ng kaunlaran hindi lamang para sa ekonomiya kundi para sa mamimiling Pilipino. Maraming pagpipilian ang mga kumakain. Katunayan din ito ng impluwensiya sa mga Pilipinong nakapaglalakbay sa ibang bansa.
Nagbabago na nga ang panlasa ng mga Pilipino. Bukas na tayo sa mga dayuhang putahe. Kumakain tayo ng tuyo at champorado sa almusal, at pagkatapos ay burrito o soba sa tanghalian.
Ang mga pagbabago sa mga restoran ay aplikable rin sa ibang bansa, kung saan nakikilala ang mga lutuing Pilipino. Sa mahabang panahon, mas kilala sa ibang bansa ang mga putaheng Hapon, Intsik, Thai at Vietnamese, at hindi gaanong napapansin ang pagkaing Pilipino.
Ang taong 2017 ay katangi-tangi para sa pagkaing Pilipino. Hinulaan nina Anthony Bordain at Andrew Zimmerman, mga kilalang kusinero sa television, na ang pagkaing Pilipino ang susunod na paboritong pagkain sa daigdig. Marami na ngang restoran na naghahain ng pagkaing Pilipino ang nagbukas sa Estados Unidos. Maganda ito para sa atin, lalo na sa industriya ng turismo.
Hindi natin dapat kalimutan ang mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa, na siyang unang nagpakilala ng mga pagkaing Pilipino gaya ng adobo, pansit at sinigang sa mga bansang kanilang kinaroroonan.
Nagugustuhan ko rin ang iba’t ibang interpretasyon ng putaheng Pilipino, gaya ng ginagawa ng ilang restoran sa adobo, kare-kare at sisig.
Maganda rin na ang Metro Manila ay nagiging sentro ng mga putaheng mula sa iba’t ibang rehiyon. Karaniwan na ang mga restoran na naghahain ng pagkaing Cebuano o Ilonggo, at mayroon ding pagkaing Maranao at Tausug.
Umaasa ako na magpapatuloy ang ganitong bagay, dahil makapagpapaunlad din ito sa ating kultura. Sa pagtikim ng iba’t ibang putahe ay para na rin tayong nakapaglalakbay sa ibang bansa.
Gutom na ba kayo?
(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph