MATAGUMPAY ang pagtatapos ng 2017 para sa GMA Network na napanatili ang pagiging number one sa ratings sa buong taon, ayon sa full year data ng Nielsen TV Audience Measurement.
Mula January hanggang December 2017 (base sa overnight data ang December 24 to 31), panalo ang GMA na nakapagtala ng 42.5 percent average total day people audience share sa National Urban Television Audience Measurement (NUTAM) kumpara sa 36.8 percent ng ABS-CBN.
Mula sa 0.2 points na lamang sa ratings noong 2016, mas pinabongga pa ng Kapuso Network ang lamang nito sa ABS-CBN na umabot sa 5.7 NUTAM people share points noong 2017.
Dagdag pa rito, nasungkit din ng GMA ang kalamangan sa lahat ng day parts kabilang na ang primetime block.
Wagi rin ang GMA sa lahat ng time blocks sa Urban Luzon at Mega Manila na bumubuo sa 76 at 59 percent ng kabuuang urban TV viewers sa bansa.
Nakakuha ng 48.8 percent ang Kapuso Network sa Urban Luzon, higit na mataas sa 31% ng ABS-CBN.
Sa Mega Manila naman (base sa January 1 to December 23 official data), halos doble ang lamang ng GMA na nagtala ng 51.9 percent laban sa 26.7 percent ng ABS-CBN.
Naging consistent ang pamamayagpag ng GMA sa total day audience shares sa lahat ng buwan ng 2017 kung saan noong December, nagtala ito ng 44.3 percentsa NUTAM, mas malaki sa 37.2 percent ng katunggali nito. Dahil dito, matagumpay na nagtapos ang 2017 para sa Kapuso Network na nakakuha ng mas malaki pang lamang para sa Disyembre na umabot sa 7.1 points.
Nagpatuloy din ang malakas na pagtangkilik sa GMA ng mga manonood sa Urban Luzon noong December na may 49.5 percent people audience share; mas malaki kumpara sa 31.7 percent ng ABS-CBN.
Naanatili pa ring balwarte ng Kapuso Network ang Mega Manila (base sa December 1 to 23 official data) na naka-52.7 percent; malayo 27.2 percent ng kabilang istasyon.
Sa kabuuan ng 2017, winner ang GMA sa listahan ng top programs para sa 2017 kung saan 20 Kapuso shows ang pumasok sa 30 top-rating programs. Naghari para sa pangalawang magkasunod na taon ang Kapuso primetime series na Encantadia na sinundan ng award-winning magazine program na Kapuso Mo, Jessica Soho, at ng Destined To Be Yours na pinagbidahan nina Alden Richards at Maine Mendoza. Wagi rin ang mga palabas na Pepito Manaloto, Magpakailanman, 24 Oras, Super Ma’am, Mulawin vs Ravena, Alyas Robin Hood, Daig Kayo ng Lola Ko, at All-Star Videoke.
Pasok din sa mga suki sa top-rating programs ang My Love from the Star, Kambal Karibal, Meant To Be, Kapuso Movie Night, 24 Oras Weekend, Someone To Watch Over Me, Hay Bahay!, Ika¬-6 Na Utos, at Tsuperhero.
Naging most-watched TV special for the year naman ang exclusive free TV telecast ng GMA sa nakaraang laban ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao na ang Battle of Brisbane: Pacquiao vs Horn.
Samantala, marami na namang exciting na programa ang handog ng Kapuso Network sa pagpasok ng bagong taon. Para sa first quarter ng 2018, sisimulan ito ng romantic-comedy series na The One That Got Away na pagbibidahan nina Lovi Poe, Max Collins, Rhian Ramos, at Dennis Trillo.
Magbabalik naman sa telebisyon ang love team nina Gabbi Garcia at Ruru Madrid para sa Sherlock Jr.; si Glaiza de Castro para sa Contessa; at sina Megan Young at Katrina Halili sa The Stepdaughters.
Kaabang-abang din ang pinakaunang ‘advocaserye’ ng GMA na pagbibidahan ni Yasmien Kurdi bilang isang ina at asawang HIV-positive sa Hindi Ko Kayang Iwan Ka.
Handog naman ng GMA Public Affairs ang adventure-filled fantasy series na Sirkus na pagbibidahan nina Mikee Quintos at Mikoy Morales kasama sina Gardo Versoza, Andre Paras, Sef Cadayona, Chariz Solomon, Klea Pineda, at Ms. Cherie Gil.