Dalawang beses nagkaaberya ang biyahe ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) kahapon ng umaga, kaya napilitang pababain sa tren ang 1,720 pasahero.
Sa abiso ng Department of Transportation (DoTr), naganap ang unang aberya nang makaranas ng “door malfunction” ang isang tren ng MRT-3, bandang 8:19 ng umaga.
Ayaw sumara ng pintuan ng tren kaya napilitan ang pamunuan ng MRT-3 na pababain ang nasa 900 pasahero sa southbound ng Shaw Boulavard station, sa Mandaluyong.
Isinakay ang mga apektadong pasahero sa panibagong tren makalipas ang pitong minuto.
Samantala, naganap naman ang ikalawang aberya sa northbound naman ng Shaw Boulevard station, bandang 10:02 ng umaga.
Nagkaroon umano ng technical problem sa ATP signalling system ng tren at nasa 820 pasahero ang apektado.
Hinatak pabalik sa MRT-3 depot sa North Avenue Station ang dalawang bagon na magkasunod na tumirik. - Mary Ann Santiago