Inatasan kahapon ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng panibagong imbestigasyon sa nawawalang 1,004 na armas ng Philippine National Police (PNP) na umano’y ibinenta sa New People’s Army (NPA).

Mismong si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang naglabas ng nasabing direktiba, sa bisa ng Department Order (DO) No. 007, na may petsang Enero 9.

Sa kanyang DO, sinabi ng kalihim sa NBI na ito ay “directed and granted authority to conduct investigation and case build-up over missing Philippine National Police firearms which were sold to the New People’s Army in Mindanao, and if evidence warrants, to file the appropriate cases against government personnel and private individuals found liable.”

Ipinaliwanag ni Aguirre na kumilos siya ayon sa kautusan ni Pangulong Duterte na muling buksan ang imbestigasyon sa nawawalang 1,004 na high-powered AK47 rifles.

National

Amihan, easterlies, nakaaapekto sa bansa – PAGASA

Ipinaliwanag ni Department of Justice (DoJ) Spokesperson Undersecretary Erickson Balmes na ang imbestigasyon ng NBI ay isang off-shoot sa imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng PNP na naghain ng reklamo sa Office of the Ombudsman.

Matapos magsagawa ng preliminary investigation sa mga reklamong inihain ng CIDG, nagsampa ang Ombudsman ng multiple counts ng graft noong Oktubre 2015 laban sa mga opisyal ng PNP at mga pribadong indibiduwal na pinaniniwalaang sangkot sa pagkawala ng 1,004 na AK47 rifles. - Jeffrey G. Damicog