MAYROONG sistema ng pagsusuri at pagbabalanse sa ating pamahalaan, at layunin nitong maiwasan ang pag-abuso ng gobyerno sa kapangyarihan. Kaya naman maaaring ibasura ng Presidente ang anumang batas na ipinasa ng Kongreso, na maaari namang baligtarin ang desisyon ng Pangulo kung may sapat na bilang ng sumusuportang mambabatas. Ang Presidente, Bise Presidente, Punong Mahistrado at ilan pang opisyal ng pamahalaan ay maaaring patalsikin ng Kongreso sa puwesto kung mapatutunayang lumabag sa Konstitusyon. Ang isang batas na pinagtibay ng Kongreso at ang atas ng Pangulo ay maaari ring kuwestiyunin at busisiin ng Korte Suprema.
Sa Kongreso, may kaparehong sistema ng pagsusuri at pagbabalanse sa pagitan ng Senado at ng Kamara de Representantes. Kamakailan lang, binatikos ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang Senado sa kabiguang maipasa ang ilang panukala na matagal nang inaprubahan ng Kamara, partikular na ang panukala sa pagbabalik sa parusang kamatayan. Dahil dito, iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na ang Senado ay isang nagsasariling institusyon at iba ang paraan nito ng pagtugon sa mga panukala kung ikukumpara sa Kamara, at karapatan at tungkulin ito ng mga senador.
Sa nakalipas na mga buwan, may mga nagpupursigeng patalsikin sa puwesto ang Punong Mahistrado, sa tulong ng Kamara, na kontrolado ng mayoryang kampi sa administrasyon, nagsagawa ng ilang pagdinig habang nananawagan sa Punong Mahistrado na magbitiw na lang sa tungkulin upang — ayon sa kanila — ay maiiwas sa “further damage” ang institusyon ng Korte Suprema.
Ilang beses nang sinabi ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno na wala sa plano niya ang magbitiw sa tungkulin; haharapin niya ang kanyang kaso sa Senado, na alinsunod sa Konstitusyon ay inatasang maglitis sa mga kaso ng impeachment na aaprubahan ng Kamara. Ilang beses nang inihayag ng Kamara na patatalsikin nila siya sa puwesto, kaya mas mainam na isumite na ngayon ang kaso niya sa Senado para sa paglilitis. Ito ang susunod na hakbang sa pagpapairal ng sistema ng pagsusuri at pagbabalanse.
Magiging abala na ang Kongreso sa pag-amyenda sa Konstitusyon. Nais ng mga lider ng administrasyon na gawin ang pag-amyenda sa pamamagitan ng Constituent Assembly (Con-Ass) na binubuo ng mga kasalukuyang kasapi ng Kamara at Senado. Tinanggihan ng mga pinuno ng administrasyon ang Constitutional Convention (Con-con) na bubuuin ng mga delegadong inihalal para suriin ang Konstitusyon. Magiging magastos ito, anila — gugugulan ng aabot sa P7 bilyon. Totoong walang masama sa paggastos ng P7 bilyon sa pinakamahalagang gawain ng pagbubuo ng Konstitusyon para sa bansa, subalit ang Con-Ass ay higit na nakatutupad sa pangangailangan.
Kapag bumuo na ng bagong Konstitusyon ang Con-Ass, na karamihan ng mga kasapi ay magmumula sa mahigit 300 kasapi ng Kamara laban sa 24 na miyembro ng Senado, inaasahan nang aakma ito sa layunin ng administrasyon na magkaroon ng federal na sistema ang ating pamahalaan nang hindi na masyadong tatampukan ng maraming debate.
May hakbangin din sa Kamara para sa unicameral legislature—o isang Kongreso na walang Senado. Mangangahulugan ito ng mas epektibong sangay ng lehislasyon, subalit tatanggalin din nito ang isang pangunahing bahagi ng sistema ng pagsusuri at pagbabalanse sa gobyerno, na isang napakahalagang gawin sa kasalukuyang gobyerno ng Pilipinas.