ni Dave M. Veridiano, E.E.
KARAMIHAN sa mga coastal town sa bansa, lalo na ‘yung mga nakaharap sa Pacific Ocean sa gawing Silangan ng Luzon, ay mahihirap at maliliit na bayan lamang, ngunit tuwing eleksiyon ay halos magpatayan ang mga “maimpluwensiyang pulitiko” sa pagpapatakbo ng kanilang minamanok na kandidato sa mga lugar upang ma-control nila ito.
Dahil ba ito sa yaman ng dagat na mapapangisda rito o may iba pang mas madaling mapagkakitaan dito na gustong makopo ng mga maimpluwensiyang pulitiko na ito?
Nito lamang nakaraang Miyerkules, isang malaking balita ang pumutok sa Legazpi City ngunit hindi masyadong nabigyang-pansin dahil sa tila natabunan ng ilang malaking pangyayari…Hinggil ito sa isang drum na puno ng ilegal na droga na pawang nakabalot sa plastic upang hindi pasukin ng tubig, na natagpuan ng isang mangingisda na palutang-lutang sa may coastal town ng Matnog, Sorsogon.
Ayon kay Christian Frivaldo, regional director ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Bicol Region, ang drum ay kinapapalooban ng 24 na kilong cocaine bricks na nagkakahalaga ng P125 milyon – hinala nila, galing ito sa Taiwan-flagged cargo vessel na lumubog sa laot nang abutin ng mga higanteng alon, isang araw bago natagpuan ang drum.
Siyam na banyagang tripulante – Tsino na galing sa Hong Kong at Taiwan -- ng nasabing barko ang nasa kustodiya ng local government sa Matnog at iniimbestigahan kaugnay ng natagpuang drum na may Cocaine.
Nang makarating sa akin ang report hinggil dito ay agad nagbalik sa aking alaala ang lihim ng ilang coastal town sa Quezon Province na isiniwalat ng isang talunan na kumandidato bilang mayor sa lalawigan.
Isa siyang dating rebeldeng New People’s Army (NPA) na nagbalik-loob at nakumbinsi ng kanyang mga kalugar na tumakbong mayor. Nang malaman ng isang “maimpluwensiyang pulitiko” sa Quezon ang kanyang pagkandidato bilang mayor, ay agad siya umanong pinakiusapan nito at tinatapatan pa ng milyones ang kanyang pag-urong sa kandidatura…Tatawagin ko siyang ALPHA sa kuwentong ito.
Ngunit dahil napasubo na si Alpha sa kanyang mga kababayan ay itinuloy pa rin niya ang pagtakbong nasisiguro niyang panalo – subalit gumalaw umano ang pera ng “maimpluwensiyang pulitiko” at ang nanalo ay ang manok nito na wala namang suporta sa lugar nila.
Sa sama ng loob, inalam ni Alpha kung bakit lubhang interesado ang “maimpluwensiyang pulitiko” sa kanilang bayan na isang simpleng lugar lang ito ng mga mangingisda at napakalayo nito sa kabihasnan.
Nagimbal si Alpha sa natuklasan! Hindi pala sa yamang dagat interesado ang “maimpluwensiyang pulitiko” kundi sa mga drum ng ilegal na droga na lumulutang sa kanilang aplaya na inihuhulog ng mga banyagang cargo vessel na madalas dumaraan sa kanilang aplaya at karamihan sa mga ito ay galing sa China – at ang dulo nito, ang mga droga ay dinadala sa Metro Manila para ibenta!
Nag-surveillance si Alpha at dala ang impormasyong laban sa sindikato ng droga nang lumapit siya sa akin upang i-expose ito. Dinala ko siya sa Camp Crame upang matrabaho ang kanyang A-1 info gaya ng mga plaka ng sasakyang gamit ng sindikato, mga nagmamaneho nito at rutang tinatahak.
Makalipas ang anim na buwan, nagreklamo sa akin si Alpha walang pulis na nag-ooperate laban sa sindikato gayong tatlong beses nang nakapag-deliver ang mga ito…Nagkaroon lamang ng tunay na operasyon laban sa grupo nang pumasok sa eksena ang Drug Enforcement Agency (DEA) ng Estados Unidos na may impormasyon ding gaya ng ibinigay ni Alpha sa PNP. Naaresto ang isang mayor na nagmamaneho ng ambulansiya na may kargang halos isang toneladang shabu.
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]