Ni YAS D. OCAMPO

DAVAO CITY – Duguan ang noo nang dumulog sa pulisya ang isang 28-anyos na mister makaraan siyang saksakin ng gunting ng kanyang misis dahil mas pinili pa niyang maglaro ng online game kaysa tulungan ang asawa sa mga gawaing bahay sa Barangay 76A sa Davao City.

Gamit ang gunting na pambata, dalawang beses na sinaksak ng 24-anyos na misis ang noo ng kanyang mister nang dumating ito sa bahay nitong Sabado ng umaga makaraang magbabad sa paglalaro ng sikat na online game na DOTA (Defense of the Ancients).

Ayon sa report ng pulisya, ilang oras nang naghihintay ang ginang sa pag-uwi ng kanyang mister kaya naman pinaniniwalaang sumabog na ang galit nito sa pag-uwi ng asawa.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Dumiretso sa himpilan ng San Pedro Police ang hindi pinangalanang mister habang hawak ang dumudugong noo upang ireklamo ang kanyang misis.

Gayunman, nang dumating sa presinto ang ginang karga ang isang taong gulang nilang anak ay nagbago ng isip ang mister at iniurong ang kanyang reklamo laban sa asawa.

Ayon naman sa misis, mas prioridad pa ng kanyang mister ang mag-DOTA kaysa tulungan siya sa mga gawaing bahay, gaya ng pagluluto at pag-aalaga sa kanilang anak.

Nabatid na apat na buwang buntis ang ginang.