Ni MALU CADELINA MANAR, at ulat ni Fer Taboy

KIDAPAWAN CITY – Tatlong katao, kabilang ang dalawang senior high school student, ang napatay habang walong iba pa ang nasugatan nang bumulusok sa bangin sa may paanan ng Mount Apo ang sinasakyan nilang pampasaherong multi-cab sa Barangay Ilomavis sa Kidapawan City, North Cotabato.

Kinilala ni Kidapawan City Police director, Chief Insp. Ramel Hojilla, ang mga nasawi na sina Panda Pacatua, 62; Jalilah Salim Ibrahim, 16; at Jonaisa Salim Ibrahim, 18, pawang taga-Bgy. Indangan sa Makilala, North Cotabato.

Kapwa senior high school student sa Indangan National High School sa Bgy. Indangan ang magkapatid na Jonaisa at Jalilah.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sugatan naman sina Monjer Ibrahim, 18; Samdil Linao, 19; Merlin Marohom, 15; Javere Salim, 10; Melody Noveno, 18; Tarhata Lumna, 19; Jalil Ibrahim, 20; at Jane Noveno, 47 anyos.

Ayon kay Chief Insp. Hojilla, nangyari ang insidente bandang 4:00 ng hapon nitong Linggo sa Purok-Tres sa Bgy. Ilomavis.

Kuwento ni Monjer Ibrahim, isa sa mga nasugatan, overloaded na sa pasahero ay kargado pa umano ng mga bagahe ang Suzuki multi-cab, na bumulusok sa bangin sa Bgy. Ilomavis. Aniya, hindi na umano umabot ang pagpreno ng driver kaya nagtuluy-tuloy ang sasakyan sa may 20 talampakan ang lalim na bangin.

Sa lahat ng sakay sa multi-cab, tanging ang driver na si Moises Oclarit Ladra, 54, ang nagtamo ng minor injuries, dahil ang mga pasahero nito ay pawang nasugatan sa ulo at sa iba pang bahagi ng katawan.

Lima sa mga nasugatan ang kritikal sa ospital, ayon kay Chief Insp. Hojilla.

Kaanak ng tatlong nasawi, sinabi ni Monjer na galing sila sa birthday party ng kanyang pamangkin sa Mahomanay Hot Spring and Resort sa Lake Agko at pauwi na nang maaksidente.

Ayon kay Chief Insp. Hojilla, mahaharap si Ladra sa reckless imprudence resulting to multiple homicide at multiple frustrated homicide.