NOBYEMBRE ng nakaraang taon nang ilabas ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang listahan ng mga napipisil niya para kumandidatong senador, na kinabibilangan ni Presidential Spokesman Harry Roque at ni Presidential Communications Assistant Secretary Mocha Uson. Masyado pang maaga para pag-usapan ang eleksiyon, subalit kaagad nang umani ng interes at pansin ang nasabing listahan ni Alvarez.
Noong nakaraang linggo, isa pang listahan ng mga posibleng kandidato sa pagkasenador ang bumalandra sa pambungad ng mga pahayagan. Ito ay ang resulta ng survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS). Kabilang sa nasabing listahan si Davao City Mayor Sara Duterte, ang anak ng Pangulo, kasama ang mga pangalang tulad ng kina Senators Grace Poe, Cynthia Villar, Nancy Binay, Juan Eduardo Angara Jr., at Senate President Aquilino Pimentel III, at ng mga dating senador na sina Jinggoy Estrada, Ferdinand Marcos Jr., Pia Cayetano, at Lito Lapid.
Sinabi ng isang opisyal ng SWS na wala itong inilalabas na survey findings, subalit dahil ngayon pa lang ay interesado na ang publiko sa eleksiyon, nakaagaw ng atensiyon at naging paksa ng mga talakayan ng publiko ang nasabing listahan. Bagamat sa Mayo 2019 pa idaraos ang halalan, asahan na natin ang mas marami pang balita tungkol sa eleksiyon sa mga susunod na buwan habang unti-unti nang nagpaparamdam sa mga botante ang mga posibleng kumandidato para makahakot ng suporta.
Ang katotohanan, totoong labis ang pagpapahayag ng mga Pilipino sa halalan. Sa kabilang banda, ang eleksiyon ang pinakamalinaw na kaibahan ng ating demokrasya sa iba pang gobyerno na pinamumunuan ng mga pinunong namana ang puwesto o pinangangasiwaan ng mga opisyal ng partido na hindi inihalal ng mga tao. Sa isa pang anggulo, itinuturing ng marami ang eleksiyon bilang isang malaki at masayang okasyon, na dapat lamang na sulitin at paglaanan ng panahon gaya ng iba pang petsa sa kalendaryo.
Dahil dito, iminumungkahi natin — bagamat hindi hinihingan — na huwag kanselahin ang nakatakdang eleksiyon kaugnay ng plano ng ilang opisyal na magtatag ng bagong federal na uri ng pamahalaan. May isa ngang panukalang set-up kung saan mananatili ng hanggang 10 taon sa kani-kanilang puwesto ang mga kasalukuyang opisyal, habang inaayos ang mga problema sa transition period.
Kaagad namang itinanggi ng mga opisyal ng administrasyon ang ulat na ito, at tinawag itong “fake news” na ikinakalat ng oposisyon. Sinabi na ng mga opisyal ng administrasyon na hindi sila interesadong magtagal sa puwesto o iyong lampas sa kanilang termino. Subalit kilala naman natin sila sa pagbabago-bago ng isip.
Pahintulutan nating mabago ang ating Konstitusyon kung kinakailangan. Gawin nating federal ang uri ng ating gobyerno kung ito ang makakapigil sa pagrerebelde ng ilan sa katimugan. Magkaloob tayo ng mas maraming kapangyarihan at pondo sa mga pamahalaang pang-rehiyon kung para sa ating mga pinuno ay ito ang makareresolba sa hindi pantas na distribusyon ng pondo para sa iba pang panig ng bansa.
Subalit lahat ng ito ay maaaring maisakatuparan nang hindi na kakailanganin pa ang rebolusyonaryo o authoritarian na paraan, gaya ng ginamit ng isang administrasyon noon alang-alang sa pambansang seguridad at pambansang kaunlaran.
Ang huling pagkakataon na hinarang ang isang regular na halalan, dumagsa ang mga tao—makalipas ang ilang buwan—sa mga lansangan at sama-samang pinatalsik ang labis-labis na ang termino at hindi inihalal na pinakamataas na opisyal ng pamahalaan.