Ni Ernest Hernandez

HINDI man naging maingay ang kanyang paglalaro sa UAAP juniors basketball para sa Ateneo, ang pagkakapili kay Kai Sotto sa Gilas training pool para sa 2013 FIBA World Cup ang pinamahalagang kaganapan sa kanyang batang career.

Kai-Sotto-Free-Throw copy

Kabilang ang 7-foot-0 forward sa 23 kandidato para sanayin at hubugin para sa gaganaping 2023 World Cup na iho-host ng bansa kasama ang Japan at Indonesia. Kasama niya sa listahan na inilabas ni Gilas coach Chot Reyes sina collegiate star Thirdy Ravena, Robert Bolick, Jaymar Perez at US NCAA mainstay Kobe Paras.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Ang lima ay siguradong star player sa kanilang pagsabak sa PBA.

“Thankful ako na makakasama ako,”pahayag ni Sotto. “Maasahan nila na pagtratrabahuhan ko ang role na ‘yun sa team.”

Pagdating ng 2023, masasabing hinog na ang 21 anyos na si Sotto. Sa edad na 15-anyos, kasalukuyan niyang dinodomina ng high school league kabilang na ang UAPP.

“Siyempre isa yun sa magiging goals ko at paghihirapan ko para makapasok sa team,” aniya.

Mismong si Samahang Basketball ng Pilipinas (SBP) president many V. Pangilinan ang nagpahayag nang kahilingan na ihanda ang mga batang player para maging pundasyon ng bansa sa quadrennial meet na gaganapin sa bansa sa unang pagkakataon matapos ang ilang dekada.

“Wala pa akong nararamdaman na pressure kasi para sa akin, 5 years pa naman ‘yun. Kaya pagtratrabahuhan ko ng maayos ‘yun,” aniya.

Hindi naman naitago ni dating PBA player Ervin Sotto ang kasiyahan sa nagiging takbo ng career ng anak.

“Para sa akin, madami pa talaga siyang dapat ma-improve,” pahayag ng matandang Sotto.

“Pero sabi ko nga sa kanya, ‘wag siya maging content sa ginagawa mo at nilalaro mo every game. Hanapin mo ang percentage na i-improve mo. So kung makuha mo yung .01 o .02 ng improvement mo every practice, every game, kuhanin mo. Mag-start ka doon and everything follows.”

Sa pagkakasama ng anak sa 2023 pool, iginiit ni Sotto na malaking bagay na maagang simulan ang paghahanda ng mga player.

“Lahat ng nangyayari kay Kai nasu-surprise ako kahit noong maliit pa talaga siya. ‘Yung transition sa basketball career niya, sobrang bilis. We take it as a blessing sa kanya at sa family namin,” aniya.

“Sabi naman namin lagi na pag-igihan niya. Kung ano na sa harap mo at kung nalilito ka, nandito naman kami.”