Ni PNA
DAHIL sa patuloy na pagdami ng turistang Polish sa Pilipinas at sa potensiyal ng merkado nito, pinaiigting ng gobyerno ng Pilipinas ang pagbibida sa ating bansa sa Poland.
Kabilang sa mga ginagawang hakbangin para sa layuning ito ang pagdalo sa Tourism Promotions Board sa unang pagkakataon sa 2017 edition ng taunang “Meet the Bidder” event, sa isang pagsusulong sa Pilipinas bilang isang maganda at ideyal na lugar para pagdausan ng M.I.C.E. (Meetings, Incentives, Conventions, Exhibitions).
Sa ulat nito mula sa foreign post, inihayag ng Department of Foreign Affairs noong nakaraang linggo na kabilang sa mga bumisita sa Warsaw sina Grace La Rosa, project officer ng Meetings, Incentives, Conventions, Exhibitions Department; at Raquel Ruth Tria, officer-in-charge ng Events Marketing and Services Division ng Meetings, Incentives, Conventions, Exhibitions Department.
Ipinakilala ni Philippine Ambassador to Poland Patricia Ann Paez ang mga opisyal ng Tourism Promotions Board sa presidente ng Polish Chamber of Tourism na si Pawel Niewiadomski, na nanguna sa kauna-unahang familiarization tour sa Pilipinas ng mga delegadong Polish mula sa Chamber noong Marso 2014.
Simula sa kanyang pagbisita sa bansa, ipinaabot ni Niewiadomski sa mga opisyal ng Pilipinas na dinala niya ang aabot sa apat na malalaking grupo ng mga turistang Polish sa Boracay.
Inorganisa ni Marcin Lewandowski ang “Meet the Bidder” upang magbigay ng venue sa mga “sellers” at “buyers” para sa Meetings, Incentives, Conventions, Exhibitions upang makipagkita at makipagtulungan sa negosyo, at ito ay taun-taong ginaganap sa Warsaw.