ni Ric Valmonte

“MALI ang pagkakaintindi sa epekto ng excise tax na ipapataw sa fuel products at automobile, na nagbunsod ng mga apela para itaas ang pamasahe sa jeepney, taxi at maging sa ride-sharing services,” sabi ni Sen. Vicente Sotto III sa panayam sa DZBB nitong Huwebes.

Ang pinatutungkulan niya ay ang mga kritiko ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law, na nagsasabing magiging pabigat ang naturang batas sa consumers, lalo na sa mahihirap, dahil sa napipintong pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Pero, nanawagan naman siya sa lahat ng concerned agencies na bantayan ang presyo ng mga bilihin, kuryente, gasolina at sasakyan dahil hindi pa dapat tumaas ang mga ito habang hinihintay ang implementing rules and regulations (IRR) ng TRAIN.

Paano kung may IRR na ang TRAIN, mali pa rin ba ang mga kritiko na nagsasabing magiging pabigat ito sa mga consumers, lalo na sa mga dukha, sa oras na nagtaas na ang presyo ng mga bilihin at serbisyo? Kung ano ang TRAIN, iyon din ang kanyang IRR. Hindi pwedeng baguhin ng IRR ang probisyon ng TRAIN.

Kung may naitulong man ang pagkaantala ng paglikha ng IRR, iyon ang sinabi ni Sen. Sotto na hintayin muna itong lumabas. Ang ibig niyang sabihin, maaantala rin ang implementasyon ng TRAIN, pero hindi niya sinasabing mali ang hayag ng mga kritiko hinggil sa napipintong pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo.

Kasi, ang buwis na ipinapataw ng TRAIN ay excise tax sa ilang produkto. Kaya, ang buwis na ito ay magiging bahagi ng presyo ng bilihin at serbisyo. Ang mga produktong petrolyo ay ilan sa mga sinakop ng TRAIN.

Tingnan ninyo. Kahit wala pang TRAIN, nagtataasan na ang mga bilihin. Dahil nang bigyan ng laya ng gobyerno ang mga kumpanya ng langis na magpresyo ng kanilang produkto, sa pamamagitan ng Oil Deregulation Law, itinaas na nila ito. Sumunod na sa pagtaas ang presyo ng lahat ng mga pangangailangan.

Ipinatong ng mga negosyante sa presyo ng kanilang produkto ang itinaas na presyo ng produktong petrolyo. Sapul lahat ang mamamayan ng ganitong uri ng buwis o excise tax, mayaman man o mahirap. Bumili ka ng produkto, nagbayad ka na ng buwis. Totoo, pabigat ito sa mga consumers, lalo na sa mga dukha. Ang mayayaman, mga negosyante, at mga propesyunal ay hindi gaanong naaapektuhan dahil naipapasa nila ang buwis sa iba. Halimbawa, ang mga doktor, abogado at iba pang propesyunal, upang mabawi ang ibinayad sa tumaas na presyo ng mga bilihin, tataasan nila ang singil para sa kanilang propesyon. Ganito rin ang ginagawa ng mga negosyante, tataasan nila ang presyo ng kanilang produkto. Ang ibig sabihin, ang mga grupong ito ay may pinagbabawian.

Paano na ngayon ang ordinaryong mamamayan na umaasa lamang sa kanilang sahod? Higit na problema, ay iyong mga walang trabaho. Paano sila makababawi sa ibinayad nilang buwis na nakapaloob sa presyo ng binili nilang produkto?

Dinagdagan pa ng TRAIN ang excise tax sa mga produktong petrolyo. Lalong tataas ang presyo ng mga ito. Dahil sa Oil Deregulation law, malaya ang mga kumpanya ng langis na magpresyo ng kanilang produkto. Tuluyang tataas ang presyo ng mga batayang pangangailangan at serbisyo. Magkakagutom-gutom ang mga dukha dahil mahihirapan na silang abutin ito.