ni Clemen Bautista
SA paglipas at pagbabago ng taon, karaniwan nang inaasahan ng marami nating kababayan na ang Bagong Taon ay may hatid na bagong pag-asa sa kanilang buhay. Kung sa nakalipas na taon ay walang gaanong ipinagbago sa buhay, malaki ang pag-asa at nananalig sa Diyos na sa Bagong Taon na lalakbayin ay magkakaroon ng pagbabago. Sa pamamagitan ito ng ibayong sikap, tiyaga at sipag sa gawain lalo na sa paghahanap-buhay. Kung walang trabaho, pagsisikapan na maghanap at magkaroon na ng pagkakakitaan upang kahit paano, ang dinanas na paghihirap sa buhay ay maibsan at mabawasan.
Para sa marami nating kababayan, hindi naging maganda ang pasok ng 2018 dahil sa ipinatupad na bagong batas. Sa kanilang pananaw at paniwala, ang bagong batas ay pasalubong na pahirap at parusa. Ang tinutukoy nila ay ang pinagtibay na batas ng mga sirkero at payaso sa Kongreso na Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) law. Sabi nga ng iba, sa pangalan lamang, kapag narinig at hindi alam ang baybay ay talagang madidisgrasya ka rito. Hindi naman nagkakamali ang ating mga kababayan sapagkat kung dahil sa TRAIN law ay wala nang withholding tax o buwis ang mga sumasahod ng P250,000 pababa, ang bigat naman na papasanin nila sa epekto ng excise tax sa mga produktong petrolyo at pangunahing bilihin.
Dahil sa excise tax at implementasyon ng TRAIN law, asahan na ng ating mga kababayan na parang kuwitis na sisirit ang presyo ng mga produktong petrolyo. Kasunod na nito ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Asahan na rin ang taas-pasahe na hihilingin ng mga jeepney driver sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Tiyak, kasunod na rin ang taas-singil sa kuryente sapagkat ang kumpanyang supplier ng kuryente ay hindi na naiiba na sa mga dambuhalang kumpanya ng langis na ganid sa tubo. Walang pakialam kung ang mga consumer ay parang kinukuryente sa pagbabayad. At dahil sa taas ng mga bilihin, pasahe at hindi na magkahusto ang suweldo ng mga manggagawa, asahan na rin ang paghingi ng dagdag na suweldo.
Napansin ng ating mga kababayan na matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang TRAIN law at ipinatupad noong Bagong Taon, kahit wala pang inilalabas na implementing rules and regulations (IRR), nagpakita na ng pagiging ganid ang mga tusong negosyante. Sinimulan na nila ang pagtataas ng presyo ng mga bilihin. Naramdaman at naranasan na ito ng marami nating kababayan, ng mga ginang ng tahanan at ng inyong lingkod na isang Natay (nanay-tatay). Walang nangyari sa mga paliwanag at paikot at babala ng mga taga-DTI (Department of Trade and Industry) na kanilang idinaldal sa mga interbiyu sa radyo at telebisyon. Hindi nila napindot ang ilong at napilipit ang tainga ng mga tusong negosyante.
May iba’t ibang pananaw sa pagpapatupad ng TRAIN law. Ayon sa isang senador, ang gobyerno ay dapat maglunsad ng malawakang imformation campaign at ipaliwanag sa publiko ang tungkol sa TRAIN upang mapawi ang pangamba sa pagpapatupad ng nasabing batas. Maghihintay ang marami nating kababayan sa ibubunga pa ng ipinatupad na TRAIN law. Kung hahango ito sa kahirapan at may hatid-ginhawa, maghihintay rin ang mamamayan.