Masayang inanunsiyo ni Manila Mayor Joseph "Erap" Estrada na malapit nang matapos ang pagsasaayos at pagpapahusay sa lahat ng pasilidad ng Ospital ng Tondo, gayundin ang pagbili ng mga bago at modernong gamit at makina para sa mas mahusay na serbisyong medikal sa mga Manilenyo.

Ayon kay Estrada, kaunting panahon na lang, magiging moderno na ang naturang ospital, na ang layunin ay makapagbigay ng mas maayos at mabilis na serbisyo sa pasyenteng mahihirap na residente ng Distrito 1 at 2 sa Tondo.

Nabatid na kasalukuyan nang pinuproseso ang pagbili ng mga bago at modernong medical equipment tulad ng Digital X-ray at electrocardiogram (ECG) para sa ospital.

“Ang ospital na ito ay itinayo upang magbigay ng libre at mahusay na serbisyo sa mga may sakit, kaya ating ipagpapatuloy na mas mapaganda pa ang pasilidad at serbisyo nito sa mahihirap na taga-Tondo,” anang alkalde.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Taong 2009 pa nang huling nakumpuni ang apat na palapag ng ospital sa Jose Abad Santos Avenue sa Tondo.

Nabatid na dati ay kapos sa pangunahing kagamitan at pasilidad ang naturang ospital, gayundin sa mga medical equipment, kaya hirap itong matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mahihirap na pasyente.

Ngunit nang maupo si Estrada sa puwesto noong 2013, pinasimulan niya agad ang rehabilitasyon ng anim na ospital sa lungsod, 60 na community health center, 12 lying-in clinics, pati na ang pagbili ng state-of-the art hospital equipment na pinondohan ng P500 milyon.

Ayon naman kay Dr. Isaias Cando, Jr., director ng Ospital ng Tondo, tapos na ang pagsasaayos sa out-patient department (OPD), delivery room, emergency room, ward sa 3rd floor, at maging ang operating room ay inaasahang matatapos na rin sa Pebrero.

Malapit na rin, aniya, matapos ang pagsasaayos ng mga linya ng kuryente, mga sahig, fire escapes at pagkukumpuni ng mga kasilyas ng ospital.

Nilinaw naman ni Cando na kahit na kinukumpuni ang ospital ay tuluy-tuloy ang pagbibigay nila ng serbisyong medikal sa mahihirap na residente ng Tondo. - Mary Ann Santiago