Hiniling ng Department of Justice (DoJ) sa Valenzuela Regional Trial Court (RTC) na baligtarin ang desisyon nito sa pag-dismiss sa smuggling charges laban kay Chinese businessman Chen Ju Long, na kilala rin bilang Richard Tan, at ilan pang personalidad kaugnay ng P6.4-billion shabu shipment.
Sa motion for reconsideration, hiniling ng mga state prosecutors sa Valenzuela RTC Branch 171 na baliktarin ang kanilang desisyon sa kasong kriminal laban kina Tan, Manny Li, Kenneth Dong Yi, Customs fixer Mark Ruben Taguba II, Eirene Mae Tatad, Teejay Marcellana, Chen I-Min, Jhu Ming Jyun, Chen Rong Huan at tatlong hindi pinangalanang personalidad.
Iginiit ng DoJ panel of prosecutors na may jurisdiction ang Valenzuela RTC na dinggin at litisin ang kaso sa maanomalyang shabu shipment.
Paliwanag ng DoJ panel, nang maipasok ang ilegal na kontrabando, sa pamamagitan ng Manila International Container Port (NICP), sa Valenzuela na nadiskubre ang nilalaman nito.
Matatandaang noong Disyembre 12, 2017, ipinag-utos ni Valenzuela RTC Branch 171 presiding judge Maria Nena Santos na i-dismiss ang mga kasong kriminal laban kay Tan at sa iba pang personalidad dahil umano sa “lack of jurisdiction.”
Ngunit ayon sa DoJ, mayroong jurisdiction ang Valenzuela RTC mula pa noong Nobyembre 24, 2017 na araw din kung kailan nito ipinag-utos ang ocular inspection sa mga nasabat na ilegal na droga. - Beth Camia