Ni RAYMUND F. ANTONIO

Matindi ang pagtutol ni Vice President Ma. Leonor "Leni" Robredo sa no election (no-el) scenario sa 2019 sakaling lumipat ang bansa sa federal form of government.

“Iyong eleksyon, ito ‘yun pinakabuod ng ating demokrasya. Ito lamang iyong natatanging paraan para ‘yun ordinaryong Pilipino makilahok sa isang proseso na siyang pipili ng kung sino ‘yun mamumuno sa kanya,” ani Robredo kahapon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Kasi kami namang mga namumuno, hindi kami ‘yun boss, kami ‘yun boses ng ordinaryong Pilipino. Kapag inalis natin sa ordinaryong Pilipino iyong karapatan na pumili kung sino [ang] magre-represent sa kanya, nasaan ang demokrasya?” dugtong niya.

Kinontra ni Robredo, isang abogada, ang posibilidad na makakansela ang midterm elections sa 2019 sa unang episode ng kanyang lingguhang programa sa radyo na “BISErbisyng Leni,” para sa taong ito.

Ito ang reaksiyon ng Vice President sa ipinalulutang na ideya ni House Speaker Pantaleon Alvarez sakaling lumipat sa federalism ang gobyerno.

Sa ilalim ng Constitution maaaring baguhin ang porma ng pamahalaan sa tatlong paraan – sa pamamamagitan ng Kongreso na aaktong Constituent Assembly (Con-Ass), Constitutional Convention (Con-Con) na ihahalal ang mga delegado, at People’s Initiative sa pamamagitan ng petisyon ng 12 porsiyento ng mga botante.

Sinabi ni Alvarez na posibleng maapektuhan ang halalan sa susunod na taon dahil ipaprayoridad ng Kongreso ang paglipat sa federalism sa pamamagitan ng Con-Ass ngayong taon.

Sa ilalim ng ConAass, ang Senado at ang Kamara, ay kikilos bilang isang katawan, at ipapakilala at aaprubahan ang mga pagbabago sa Constitution sa pamamagitan ng absolute three-fourths ng boto at isasailalim sa pambansang referendum.

Nagpahayag si Robredo ng reservation sa pag-aamyenda sa 1987 Constitution.

“Maraming kumokontra, marami ding sumusulong kaya isang bagay na kailangan pag-usapan ng mas seryoso,” aniya.