ITIM ang bagong kulay ng pag-ibig sa primetime sa pagsisimula ng Korean fantasy thriller na Black ngayong gabi sa ABS-CBN.
Tampok ang Korean stars na sina Song Seung-heon ng When a Man Falls in Love at Go Ara ng kakatapos lang na Hwarang, sundan sa Black kung paano magsasalubong ang mga landas nina Sarah, isang babaeng nakakakita ng nagbabadyang kamatayan ng tao; si Marlon, isang detective na nais magapi ang kasamaan at mabawasan ang kapahamakan; at si 444, isang grim reaper o tagasundo ng mga kaluluwang mamamatay na.
Noon pa man ay alam na ni Sarah na iba siya sa karaniwang nilalang. Nakikita kasi niya ang anino ng kamatayan sa likod ng mga taong bilang na ang oras sa mundo. Nakikita niya rin kung paano mamamatay ang tao oras na mahawakan niya ang aninong iyon.
Isang araw ay magkukrus ang landas nila ni Detective Marlon Han at matutuklasan nito ang kanyang itinatagong kakayahan. Aalukin siya nito na makipagtulungan upang masagip ang mga taong nasa bingit ng kamatayan.
Samantala, sa kabilang mundo ay tumakas naman ang kasangga ni 444 na isa ring grim reaper at sumapi sa katawan ng isang mortal. Maaari kasing kunin ng mga grim reaper ang katawan ng isang mortal na kamamatay lang.
Sa kagustuhang maibalik ang ka-partner sa kanilang mundo, sasapi si 444 sa katawan ng isang taong naging biktima ng pagpaslang -- si Detective Marlon.
Dito na mag-uumpisa ang kanyang naiibang paglalakbay sa mundo ng mga mortal na hindi lang magbubukas ng mga natatagong lihim sa kanyang nakaraan, kundi magbubukas din ng kanyang puso sa natatanging babaeng bibihag nito -- si Sarah.
Paano nga ba haharapin ni 444 ang mga hamon sa katauhan ni Detective Marlon? Ano ang kahihinatnan ng kanyang pag-ibig sa isang mortal na matinding paglabag sa batas nilang mga grim reaper? Umibig naman kaya sa kanya si Sarah? Matuklasan din kaya niya kung bakit pinatay si Detective Marlon?
Huwag palalampasin ang pinakabagong asianovela na Black simula ngayong gabi pagkatapos ng The Good Son.