Sugatan ang isang karpintero makaraang sumabog ang nahukay na vintage bomb, na inakala nitong ordinaryong bakal, sa isang construction site sa Parañaque City, nitong Sabado ng hapon.
Isinugod sa Sta. Rita Hospital ang biktimang si Randy Manalo, 30, na nagtamo ng sugat sa kaliwang kamay.
Sa ulat na ipinarating sa Southern Police District (SPD), naganap ang pagsabog sa No. 0953 GG Cruz Street, Barangay Baclaran, Parañaque City, bandang 3:00 ng hapon.
Sa pahayag sa awtoridad ni Danny Pareno, contractor, naghuhukay ang mga karpintero sa lugar nang mapansin ang bakal.
Aniya, tumulong si Manalo sa pagbubuhat ng nahukay na bakal at nilinis niya ng tubig para sana ibenta sa junk shop nang sumabog at ikinasugat ng kaliwa niyang kamay.
Agad isinugod si Manalo sa nasabing ospital at nasa maayos nang kalagayan.
Sa post-blast investigation ng mga tauhan ng Explosive Ordnance Division (EOD) ng Parañaque City Police, lumitaw na vintage bomb (landmine 1936 model) ang sumabog sa construction site. - Bella Gamotea