Napipinto na naman ang pagtaas sa presyo ng langis ngayong linggo.
Sa taya ng Department of Energy (DOE), posibleng tumaas ng 30 hanggang 40 sentimos ang presyo ng kada litro ng diesel at kerosene habang hanggang limang sentimos ang idadagdag sa presyo sa gasolina.
Ang nagbabadyang price adjustment ay bunsod ng paggalaw ng presyuhan ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Patuloy na minomonitor ng DOE kung ubos na nga ba ang imbak na produktong petrolyo ng mga kumpanya ng langis matapos humirit ang mga ito na simulan nang ipataw ang excise tax sa Enero 10 o 11 dahil sa petsang ito ay ubos na ang kanilang lumang stock.
Sakaling ipataw na ang excise tax, tataas ng P3.36 ang presyo ng kada litro ng kerosene; P2.97 sa gasolina; P2.80 sa diesel at Auto-LPG at P1.12 sa liquefied petroleum gas (LPG) dahil sa epekto ng reporma sa buwis.
Nitong Enero 2, huling nagtaas ng presyo ang mga kumpanya ng langis sa pangunguna ng Flying V ng 75 sentimos sa bawat litro ng kerosene; 65 sentimos sa diesel at 20 sentimos sa gasolina. - Bella Gamotea