MAHIGIT isang linggo na simula nang mamaalam tayo sa taong 2017 at sinalubong ang bagong taon ng 2018 nang may karaniwan nang pag-asam at paghiling ng mas mabuting sitwasyon at mas magandang buhay para sa lahat.
Sa unang linggo ng 2018, sinalanta ang Visayas at Mindanao ng kauna-unahang bagyo ng taon — ang ‘Agaton’. Ikatlo ito sa magkakasunod na malalakas na bagyong nanalasa sa kaparehong mga lugar — kasunod ng ‘Urduja’ at ‘Vinta’ — sa huling dalawang linggo ng 2017.
Sa unang linggo rin ng 2018 ipinatupad ang bagong batas sa pagbubuwis — ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act. Kabilang sa agarang epekto nito ang pagtaas sa presyo ng gasolina, diesel, kerosene, at iba pang petrolyo, dahil nagtatakda ang bagong batas ng excise tax sa mga inangkat na petrolyo. Nagbabala ang gobyerno sa mga kumpanya ng langis laban sa agarang pagtataas sa presyo ng kanilang mga kasalukuyang imbak, dahil sa susunod na pag-aangkat pa ipapataw ang excise tax. Pero malapit na ito.
Hindi tayo dapat na masyadong mabahala sa mga nangyayari sa labas ng mga hangganan ng ating bansa. Bagamat ipinagmalaki sa tweet ni United States President Donald Trump nitong unang linggo ng bagong taon na mas malaki ang nuclear button sa kanyang mesa kumpara sa nasa mesa ni Kim Jong Un ng North Korea, at ang sa kanya ay gumagana — isang pahiwatig ng paghamon sa ipinagmalaking nuclear button ng North Korea. Dahil dito, nariyan ang pangambang patunayan ng lider ng North Korea na gumagana ang kanyang nuclear button, at sa pinangangambahang pagsiklab ng digmaang nukleyar ay malaki ang posibilidad na madamay ang Pilipinas dahil napakalapit natin sa North Korea.
Sa kabila ng mga nakalulungkot sa kaganapang ito, buo pa rin ang ating pag-asa na magiging mas mabuti ang bagong taon kumpara sa nakalipas. Sa kanyang mensahe para sa Bagong Taon, sinabi ni Pangulong Duterte na dumaan ang bansa sa napakaraming paghamon noong 2017 at nagpahayag ng pag-asam na mananatiling matatag at nagkakaisa ang mga Pilipino sa harap ng ano pa mang pagsubok. Nagbigay naman ng mensahe ng pag-asa at pagmamahal si Vice President Leni Robredo. Masaya tayong makita ang dalawang pinakamatataas na opisyal sa bansa habang magkatabi at magkatulong sa pagtataas ng watawat ng Pilipinas sa Luneta noong Rizal Day.
Isang punto ang namayani sa naging mensahe ng Presidente. Bagamat nakatanaw tayo sa 2018, aniya, dapat na may natutuhan tayo sa mga naging karanasan natin noong 2017. Noong nakaraang taon, daan-daan ang napatay sa kampanya kontra droga. Tinangka ng mga terorista ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) na magtatag ng teritoryo sa Pilipinas, marahil inakalang makukuha nila ang suporta ng mga Muslim sa Mindanao. Hinangad ng pamahalaan na matuldukan ang 48-taong rebelyon ng New People’s Army, subalit nabalahaw ang usapang pangkapayapaan at nagpatuloy ang bakbakan sa kabundukan ng Mindanao.
Dapat na matuto tayo sa mga naranasan natin noong 2017, ayon sa Pangulo. Sakaling hindi man kasing tagumpay ng inaasahan natin ang mga programa at proyekto, marapat nating matukoy ang mga sanhi ng kabiguan, iwasto ang mga ito, at muling magbakasakali ngayong 2018.
Harapin natin ang bagong taon na hindi lamang batbat ng pag-asa kundi bitbit din ang mga aral na natutuhan sa ating mga naging pagkakamali, at nang may buong determinasyon upang maiwasang maulit na muli ang mga pagkakamaling ito. Napakarami pa ring bakas ng mga kabiguang ito, subalit maraming mahahalagang aral ang iniwan sa atin ng nakalipas na taon. Dapat na matuto tayo sa ating mga naging karanasan, ayon kay Pangulong Duterte, at ang pagkatuto na ito, kung sasamahan ng pag-asa, ay magpapatatag sa atin sa pagharap sa panibagong taon.