DUMAUSDOS mula sa dating pangingibabaw pababa sa ika -4 na posisyon ang defending champion San Beda College makaraang ma -forfeit ang dalawa nilang laban sa ginaganap na NCAA Season 93 football tournament.
Natuklasang ineligible para maglaro si Red Booter midfielder Dane Penaflor kung kaya bumagsak ang kanilang koponan sa ika -4 na posisyon mula sa pagiging topseed sa pagsabak nila sa Final Four ng NCAA Season 93 seniors football competition sa Rizal Memorial Track and Football field.
Ayon kay Arellano University Management Committee representative Peter Cayco na syang chairman ng football organizing committee, nagpadala ng sulat ang San Beda sa kanya kung saan inamin ng mga ito na ineligible si Peñaflor na naging dahilan ng voluntary forfeiture ng dalawa nilang laban. .
Ang mga nasabing laro kung saan ginamit si Penaflor ay kontra Emilio Aguinaldo Generals at Mapua Cardinals.
Ito ang dahilan kung bakit nalaglag ang San Beda mula sa pagiging topseed at nawala ang bentaheng twice-to-beat na napunta sa St. Benilde na kailangan nilang talunin ng dalawang beses sa laban nila ngayong 8:00 ng gabi pagkatapos ng pagtutuos ng No. 2 Arellano at No. 3 Lyceum ganap na 6:00 ng gabi.
“During the eligibility meeting, San Beda and Lyceum of the Phl U requested that they submit their eligibility requirements in January but we told them they run the risk of forfeiting their games if there are players who will be found to be ineligible later on,” ani Cayco.
“And then San Beda wrote us that they have discovered one of their players failed to make the eligibility requirements so they are voluntarily forfeiting the games where the player played,” aniya.
Magsisimula din ang Juniors’ Final Four ngayong araw na ito sa pagtatapat ng No. 1 CSB-LSGH at No. 4 AU ganap na 2:00 ng hapon at ng No. 2 San Beda kontra No. 3 Letran ganap na 4:00 ng hapon. - Marivic Awitan