ni Dave M. Veridiano, E.E.
IPINANGANAK at lumaki ako sa Tondo, ang pusod ng Maynila, kung saan noon nakatira ang mga sinasabing siga o gangster na naging bukambibig sa lahat ng sulok ng bansa, gaya nina Asiong Salonga, Totoy Golem, Toothpick, Boy Zapanta at iba pang mga hoodlum na nagsulputan hanggang noong dekada ‘70.
Mga siga-siga, ngunit malaki ang takot at respeto sa mga alagad ng batas na kung tawagin namin noon ay PARAK o TATA. Ang mga siga kasi noon, nasa listahan ng mga pulis, kilala nila at alam kung saan-saan naglulungga. Kilala pala, eh bakit hindi hinuhuli? Simple lang, paano mo huhulihin ang taong wala namang nagrereklamo. Bakit nga ba wala? Eh, takot kasi ang mga ordinariyong mamamayan sa mga ito kaya walang complainant para magkaroon sila ng asunto at maaresto ng mga pulis.
Ang takot ng mga pangkaraniwang mamamayan sa mga siga noon ay ‘di dahil sa binubugbog sila ng mga ito kundi kadalasan ay tagapagtanggol pa nga nila ang mga ito sa lahat ng bagay sa kanilang pamumuhay. Takbuhan ng problema ng kalugar na nagdarahop, lalo na’t tungkol sa pera ang problema.
Bukas-palad ang karamihan sa mga siga noon, dala marahil sa madali silang makakuha ng pera – mula sa protection racket nila sa mga negosyanteng alam nilang niloloko rin ang gobyerno – kahit na hindi nagtatrabaho, kaya kadalasan ay binabansagan silang ROBINHOOD sa kanilang mga balwarte.
Ang gusto kong ipunto rito – kilala ng mga pulis noon kung sinu-sino ang kalaban, kaya kapag may aberya, alam agad nila kung sino ang aarestuhin. Kumpara sa mga pulis ngayon na agad susugod sa isang responde na walang alam kung ano ‘yung rerespondehan, kaya ‘pag nagkaroon ng misencounter – sorry na lang po sa nadisgrasya, ‘di na mauulit kasi patay na….Sampol? Eh, ‘di yung nangyari sa Mandaluyong at marami pang iba na bunga ng pateka-tekang operasyon ng mga pulis natin ngayon!
Ito ang mas matindi – ang mga pulis ngayon, kakatok muna sa mga bahay ng MAHIHIRAP, ililista ang mga nakatira roon na adik, siga, pusher at “papayuhan na magbagong buhay na” – ngunit ilang araw lamang matapos ang pagbisita, ang mga “pinayuhan” na magbago ay matagtagpuanh nakalatag sa mga bangketa at kalsada na may takip na mga diyaryo…Pamilyar ba sa inyo ang operasyong ito?
Ang mga pulis noon, walang utang na loob sa mga “LORD” o hoodlum. May distansiya sila sa mga ito kaya kapag nagkaroon ng reklamo at may lumabas na “warrant of arrest”, siguradong may pag-arestong magaganap – ‘wag lang totoong may lalaban sa mga dadakpin nila dahil mas malamang sa matakpan ang mga ito ng diyaryo sa bangketa at kalsada.
Malaking kabaligtaran ng mga pulis ngayon na parang linta kung makadikit at makakapit sa mga mayayaman at maimpluwensiyang mga “LORD”. Ang mga ito kasi ang lumalakad para ma-promote sila at malagay sa mga tinatawag na “juicy position”, kaya kadalasan sila pa ang nagiging tagapagtanggol ng mga ito laban sa mga kabaro nilang naatasang umaresto kapag nagkaroon ng mga kaso.
Kaya naman ang mga kakilala kong matinik na opisyal at operatibang pulis noon na nagretiro, ang tanging yaman sa buhay ay ang mga nagsipagtapos na anak na may magaganda na ring trabaho, at simpleng tirahan nilang mag-asawa.
Kumpara sa karamihan sa pulis ngayon na ‘di pa man nagreretiro ay nakatira na sa mga mamahaling condo, magarbo ang mga sasakyan na panghatid at sundo sa mga anak na nag-aaral sa mga ekslusibong paaralan…Maghuhulaan pa ba tayo kung saan nanggagaling ang karangyaan nilang ito?
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]