Ni Bert de Guzman

TANGING sa panahon lang ng eleksiyon nararamdaman ng taumbayan na sila ang tunay na “amo” ng mga kandidato na halos magkandarapa upang sila’y iboto sa puwesto. Sa halalan lang nagagamit ng mga mamamayan ang karapatan upang pumili ng mga pinuno ng bayan na hahango sa kanilang abang kalagayan at magsusulong sa kabutihan, kagalingan at kapakanan ng bansa.

Gayunman, kung si Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez ang tatanungin, posible umanong hindi magkaroon ng halalan sa 2019. Nilinaw naman niya na ang ganitong senaryo ay mangyayari kung aamyendahan ang 1987 Constitution upang maging federal system (pederalismo) ang uri ng gobyerno sa Pilipinas.

Binigyang-diin ng Malacañang, sa pamamagitan ni presidential spokesman Harry Roque, na ang midterm elections sa 2019 ay idaraos gaya ng itinatakda ng Saligang Batas maliban na lang kung matutuloy ang Cha-Cha (Charter Change) at ito ay pagtitibayin ng mamamayan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sinabi ni Alvarez na ang re-writing o pagsususog sa Konstitusyon upang baguhin ang sistema ng gobyerno mula sa presidential tungo sa pederalismo ay prayoridad ng Kongreso ngayong 2018. Ito raw ang pagtutuunan ng pansin alinsunod sa hangarin ni Pres. Rodrigo Roa Duterte na itatag ang pederalismo sa Pilipinas tulad ng pangako niya noong panahon ng kampanya.

Nang tanungin kung ang pagbabago ng Constitution ay maaaring magresulta sa NO-EL o No Election scenario sa 2019, tumugon siya na “anything can happen.” Badya ni Speaker Bebot: “You know why? Let’s be practical. If you shift to a new system of government you need a transition. You can’t implement it immediately after it is ratified.”

Balak ni Alvarez na tapusin ng constituent assembly (con-ass) ang drafting o pagsusulat ng bagong Konstitusyon bago idaos ang barangay elections sa Mayo upang ang plebesito ay isabay na lang sa eleksiyon ng barangay.

Kailangan daw ang tatlong taon sa transition period. Samakatuwid, ang mga senador, kongresista, local officials na matatapos ang termino sa 2019 ay magiging holdovers o mananatili sa puwesto, at dito ay kasama si PRRD. Habang si Alvarez ay para sa 3-year transition period, ang ibang mga mambabatas ay nag-iisip ng 5-year transition at five-year term of office para sa lahat ng elective officials.

Samantala, sinabi ni Senate Pres. Koko Pimentel, pangulo ng PDP-Laban, kung ang bagong Konstitusyon ay mapagtitibay sa 2019, magkakaron ng 3 taong transition period. “We can extend the term of the President, if really necessary, and if he is amenable to it.” Pero, Mr. Koko Pimentel, tanda ng taumbayan ang pangako ni PRRD na agad siyang bababa sa puwesto kapag naitatag ang pederalismo sa bansa.

Sa panig ng oposisyon, sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na ang mga pahayag nina Alvarez at Pimentel ay nagkukumpirma sa hinala tungkol sa tunay nilang motibo sa pagsusulong sa pederalismo. “The cat is out of the bag!

At least, the real purpose of federalism is out--term extension.”

May nagtatanong kung papayag muli ang mga Pinoy na manatili sa puwesto ang Pangulo tulad ng ginawa noon ni ex-Pres. Ferdinand E. Marcos, na pinalawig nang pinalawig ang pananatili sa Malacañang hanggang ideklara ang martial law at magtatag ng diktadurya sa bansa!