KAYA BRO? Kaagad na sinaklolohan ni Stephen Curry ng Golden States ang napahandusay na si Blake Griffin ng LA Clippers nang masiko sa ulo ng kanilang laro sa NBA. (AP)
KAYA BRO? Kaagad na sinaklolohan ni Stephen Curry ng Golden States ang napahandusay na si Blake Griffin ng LA Clippers nang masiko sa ulo ng kanilang laro sa NBA. (AP)

LOS ANGELES (AP) — Naitala ni Stephen Curry ang season-high 45 puntos sa loob ng tatlong period para sandigan ang Golden State Warriors sa dominanteng 121-105 panalo kontra sa Los Angeles Clippers nitong Sabado (Linggo sa Manila).

Natuliro sa bilis at husay ni Curry ang mga nagbantay sa kanya, kabilang sina rookie Juwan Evans at G-League call-up Tyrone Wallace para maisalpak ang 11 of 21 shots, kabilang ang 8 of 16 three-pointers.

Hindi rin nakatulong sa Clippers si Blake Griffin matapos magtamo ng concussion sa pagtatapos ng first period nang masiko sa ulo ni Warriors center JaVale McGee.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nag-ambag si McGee at Nick Young ng tig-11 puntos, habang kumana sina Klay Thompson at David West ng tig-puntos sa Golden State, na sumabak sa ikalawang sunod na laro na wala si Kevin Durant (right calf strain).

Nanguna sa Clippers si Lou Williams sa natipang 23 puntos, habang tumipa si DeAndre Jordan ng 15 puntos at 11 rebounds. Nakamit nila ang ikalawang kabiguan at ika-012 sunod laban sa Warriors mula noong Dec. 25, 2014.

CAVS 131, MAGIC 127

Sa Orlando, Florida, hataw si LeBron James sa naiskor na 33 puntos, 10 rebounds at siyam na assists sa panalo ng Cleveland Cavaliers kontra Magic.

Nag-ambag si Kevin Love ng 27 puntos at tumipa si Isaiah Thomas ng 19 puntos at apat na assists, habang kumubra si Dwayne Wade ng 16 puntos.

Nanguna si Aaron Gordon sa naiskor na 30 puntos, habang kumikig si Elfrid Payton ng 20 puntos at limang assists sa Magic, nabigo sa ikaapat na sunod.

CELTICS 87, NETS 85

Sa New York, naisalpak ni Jayson Tatum ang driving dunk at three-pointer sa krusyal na sandal para akayin ang Boston Celtics sa makapigil-hiningang panalo kontra Brooklyn Nets.

Sa kabila ng hindi paglalaro ni Al Horford bunsod nang pamamaga ng kanang tuhod, naitala ng Boston ang ikaanim na sunod na panalo bago bumiyahe patungong London para sa out-of-country game laban sa Philadelphia sa Huwebes.

Naghahabol ang Celtics nang ma-steal ni Tatum ang bola at diretso para sa slam dunk at ibigay ang 84-83 bentahe sa Boston. Mula sa sablay na tira ni Kyrie Irving naipasa ang bola kay Tatum para sa malaking 3-pointer at 87-83 bentahe ng Celtics may 45 segundo ang nalalabi.

Tumapos si Irving na may 21 puntos, habang kumana si Tatum ng 14 puntos.

Sa iba pang mga laro, nagwagi ang Detroit Pistons kontra Houston Rockets, 108-101; pinaluhod ng Indiana Pacers ang Chicago Bulls, 125-86; at pinabagsak ng Milwaukee Bucks ang Washington Wizards, 110-103.