Ni Alexandria Dennise San Juan
Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pag-aaralan nitong mabuti ang lahat ng petisyon para sa taas-pasahe na iginigiit ng mga grupo ng transporasyon kaugnay ng nakaambang pagtataas sa presyo ng petrolyo dahil sa pagpapatupad ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.
Sinabi ni Atty. Aileen Lizada, board member at tagapagsalita ng LTFRB, na magsasagawa sila ng pagdinig sa lahat ng petisyong inihain ng mga operator ng public utility vehicle (PUV) kaugnay ng iniaapela ng mga itong dagdag-pasahe dahil sa inaasahang pagtataas ng presyo ng produktong petrolyo at maintenance costs kaugnay ng bagong TRAIN law.
“We will set the petitions for hearing and then we will also hear out the commuters group. We will invite NEDA (National Economic Development Authority) to guide the board in coming up with the decision,” ani Lizada.
Ito ang naging pahayag ng LTFRB makaraang pormal na maghain ng petisyon ang ride-sharing company na Grab Philippines para sa taas-pasahe.
Sa petition paper nito na inihain sa tanggapan ng LTFRB sa Quezon City, sinabi ng Grab na pananatilihin nila ang P40 base fare, pero humiling ng limang porsiyentong dagdag-pasahe sa bawat kilometro mula sa dating P10-P14 hanggang P11-P15, at karagdagang 10 sentimos, o P2.10 mula sa P2.
Una nang inihayag ng Philippine National Taxi Operators Association (PNTOA) na igigiit nila sa LTFRB na itaas sa P50 ang kasalukuyang P40 na flag down rate, bukod pa sa itaas sa P13.50 ang kada kilometrong biyahe, at P2.50 kada minutong waiting time.
Inaasahan ding maghahain ngayong linggo ng sariling fare hike petition ang grupong Pasang Masda para hilingin ang P4 dagdag sa minimum na pasahe sa jeep, na kasalukuyang P8 ang singil.