Ni PNA
INAASAHAN ng Department of Health ang pagdami ng kaso ng leptospirosis kasunod ng pananalasa sa bansa ng tatlong magkakasunod na bagyo, na nagdulot ng malawakang pagbabaha sa ilang lalawigan sa bansa, partikular sa Visayas at Mindanao.
“Our hospitals are aware of a possible (increase in) leptospirosis cases,” sabi ni Undersecretary Herminigildo Valle, at sinabing inihanda na ng kagawaran ang antibiotic na Doxycycline para sa mga posibleng pasyente ng leptospirosis sa mga binahang komunidad.
Ang Leptospirosis ay sanhi ng Leptospira bacteria, na pumapasok sa katawan sa pamamagitan ng mga sugat at hiwa sa balat, o sa pamamagitan ng mucous membranes sa bibig, ilong, at mga mata sakaling nalantad ang isang tao sa baha o sa hamog ng lupa na kontaminado ng ihi ng mga hayop, lalo na ng daga, na may taglay nito.
Kabilang sa sintomas ng leptospirosis ang pagkakaroon ng mataas na lagnat, pananakit ng kalamnan, pananakit ng ulo, pamumula ng mata, panlalamig, at kulay tsaang ihi. Maaari itong mauwi sa problema sa bato at maaari ring maapektuhan ang baga at utak.
Upang makaiwas na madapuan ng naturang sakit, pinayuhan ng Department of Health ang publiko na iwasan ang paglusong sa baha sa panganib na kontaminado ito ng nasabing bakterya; gumamit ng wastong proteksiyon gaya ng bota at guwantes kung kakailanganing lumusong o hawakan ang tubig; at itapon ang tubig na posibleng kontaminado nito.
Batay sa pinakabagong datos ng Department of Health, nakapagtala ito ng 2,495 kaso ng leptospirosis sa buong bansa sa unang 11 buwan noong 2017, 49.1 porsiyentong mas mataas kaysa 1,673 kasong naitala sa kaparehong panahon noong 2016.
Umalagwa rin ang bilang ng kaso ng pagkamatay mula sa 172 noong 2016, sa 261 noong 2017.
Pinakamaraming kasong naitala sa National Capital Region na mayroong 478, na sinundan ng Western Visayas (474), Ilocos (369), Central Luzon (207), at Cagayan Valley (163).
Kamakailan ay sinalanta ng magkakasunod na bagyong ‘Urduja’, Vinta, at ‘Agaton’ ang Bicol, Mimaropa, Visayas, at Mindanao, na nagbunsod sa paglikas ng libu-libong pamilya at aabot sa milyong halaga ng ari-arian, pananim, at imprastruktura ang napinsala.