Nina Mary Ann Santiago at Leslie Ann Aquino

Umapela kahapon sa mga deboto si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na gawing makatao, maka-Diyos, makabayan at makakalikasan ang Traslacion 2018 sa Martes.

Ipinagdarasal din ng Cardinal na ang pakikilahok ng mga deboto sa Traslacion 2018 ay magreresulta sa mas malalim na pagkilala kay Hesus.

Malaki, aniya, ang kanyang pag-asa na ang pakikilahok ng mga deboto sa lahat ng aktibidad sa Traslacion ay lalo ring magpapalapit sa mga mananampalataya kay Hesus, bilang daan ng buhay.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Sana po maging makakalikasan ang ating pagdiriwang. Makatao, makabuhay, maka-Diyos, at makabayan. Magkita-kita po tayo sa darating na kapistahan. Maraming salamat po,” sinabi ni Cardinal Tagle sa panayam ng Radio Veritas.

“Ang atin pong pakikilahok sa lahat ng activities sa kapistahan, sana po ay umuwi sa mas malalim pa na pagkilala kay Hesus. Mas malapit pa na pagkapit sa Kanya bilang daan ng buhay at pangatawanan ang ating pananampalataya na umuuwi sa mabubuting gawa,” dasal pa ng cardinal.

Hinimok din niya ang lahat na ipanalangin ang katiwasayan at malayo sa panganib ang milyun-milyong deboto na inaasahang makikiisa sa Traslacion 2018.

Samantala, nilinaw naman ng dating opisyal sa Quiapo Church na hindi kapistahan ng Mahal na Poong Nazareno sa Martes, kundi pagdiriwang ng Traslacion.

Ayon kay Msgr. Jose Clemente Ignacio, dating rector ng Quiapo Church, ang aktuwal na kapistahan ng Poong Nazareno ay Biyernes Santo.

“The liturgical feast of the Black Nazarene is Good Friday because that is the time that He carries the cross,” paliwanag ni Ignacio. “But that’s also a feast because the traslacion is a thanksgiving... thanksgiving for the arrival of the image to Quiapo.”