Ni FER TABOY

Isang mag-asawa ang nirapido at pinugutan ng mga miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Barangay Mahatalang sa Sumisip, Basilan nitong Biyernes ng hapon.

Ayon sa ulat ng Joint Task Force Basilan (JTFB), dakong 4:30 ng hapon nitong Biyernes nang matagpuang walang buhay, tadtad ng bala, at kapwa walang ulo sina Abdurahim Kitoh at Nadzwa Bahitla sa Sitio Bacahan, Bgy. Mahatalang sa Sumisip.

Mga kasapi ng Citizen Armed Forces Geographical Unit (CAFGU), na pinamumunuan ni Ibrahim Wahab, ang nakadiskubre sa bangkay ng mag-asawa makaraang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril sa lugar, ayon sa report ng JTFB.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nauna rito, ayon sa JTFB, hindi umano nagustuhan ng mga bandido ang pagdaan ng mag-asawa dahil ipinagbabawal ng Abu Sayyaf sa mga sibilyan ang pagdaan sa nasabing lugar.

Ayon pa sa impormasyon ng task force, pinangunahan ni Nahim Mustalimna, miyembro ng ASG, ang pamumugot sa mag-asawa.

Si Mustalimna ay half brother umano ni Kitoh.

Napag-alaman pa ng militar na si Mustalimna ay tauhan ni Usop Sandalan, sub-leader ng Abu Sayyaf, na nasa ilalim naman ng lider na si Rhadzmil Janatul, na nakabase sa Basilan.

Sinabi pa ng militar na ilang miyembro ng Abu Sayyaf ang nakatakdang sumuko nitong Biyernes sa munisipyo ng Sumisip, at naniniwala silang sa pamamagitan ng insidente ay sinabotahe ng ASG ang planong pagsuko ng kanilang mga kasamahang nais magbalik-loob sa gobyerno.