Ni REGGEE BONOAN
HINDI lang kung sino ang pumatay kay Victor Buenavidez (Albert Martinez) sa The Good Son ang pinagpupustahan ng mga kakilala namin kundi pati na rin ang krimen naman sa Hanggang Saan na pinagbibidahan nina Sylvia Sanchez, Arjo Atayde, Sue Ramirez, Teresa Loyzaga at Ariel Rivera.
Sa paulit-ulit na ipinapakita kasing pagkakabaril kay Mr. Lamoste (Eric Quizon) ay pataas ang pagbaril ni Sonya (Sylvia) pero may tumama pa ring bala sa katawan ng pinaslang.
Isang beses lang nagpaputok si Sonya kaya imposibleng siya ang nakapatay sa ama ni Anna (Sue).
Hayun, pinagpupustahan na rin ngayon ng mga kakilala namin sa ibang bansa kung sino ang tunay na kriminal sa pangalawang serye.
Natatawa nga kami kasi nabago raw yata ang script ng The Good Son.
“Alam ko panalo na ako sa pustahan, si Calvin (Nash Aguas) ang pumatay kay Victor, eh, bakit parang pinalalabas na si Dado (Jeric Raval) ang pumatay? ‘Tapos nandamay pa dahil tinaniman niya ng ebidensiya si Joseph (Joshua Garcia).
Feeling ko makukulong si Joseph,” sabi sa amin ng adiktus sa panonood ng serye.
Paboritong libangan ng mga kababayan natin sa ibang bansa ang panonood sa The Good Son at Hanggang Saan dahil bukod sa may pustahan nga ay pinag-iisipan daw sila kung sino ang mga salarin.
Tinanong namin si Ibyang kung ang character ba talaga niya ang nakapatay o iba, pero malakas na tawa lang ang isinagot niya.
“Abangan mo, bakit ko sasabihin? At saka aamin naman na ako, di ba, na ako ang pumatay, ‘pinapakita naman na umiiyak si Paco (Arjo) sa pag-amin ko at mag-aaway sila ni Domeng (Yves Flores) dahil ayaw ako ipakulong ng bunso ko,” sabi ni Sylvia.
So, paano siya ipagtatanggol ni Paco na siya rin naman ang tumutulong sa pamilya ng girlfriend nitong si Anna (Sue) para ma-solve ang pagkamatay ng tatay nito?
“Kaya nga iyon ang abangan ng lahat kung sino ang pipiliin ni Paco,” sabi ni Ibyang.
Pinupuri rin ng mga kakilala namin na bagay kay Ariel ang kontrabida role kaysa mabait na palaging karakter niya noon pa man.