Ni BELLA GAMOTEA

Magpapakalat ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng mga sniper sa mga high-rise building at magpapalipad ng mga drone sa ruta ng prusisyon ng Mahal na Poong Nazareno upang tiyakin ang seguridad ng milyun-milyong deboto na inaasahang dadagsa sa Traslacion sa Martes.

“This year we will be deploying snipers doon sa mga high-rise building and we will also be deploying drones. Kami magpapalipad ng drones all over, in all the segments para merong nagmo-monitor, maliban pa sa drones ng network kung papayagan sila,” sinabi ni NCRPO Regional Director Oscar Albayalde sa pulong-balitaan.

Aniya ang mga sniper ay kabilang sa 5,613 uniformed personnel na ipapakalat simula sa madaling araw ng Lunes, Enero 8, hanggang sa Miyerkules, Enero 10.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kinumpirma ni Albayalde na wala silang namomonitor na anumang banta ng terorismo o kaguluhan subalit hindi, aniya, makakampante ang pulisya sa posibleng pag-atake.

“We have conducted joint regional intelligence meeting. So far, walang nakukuhang information although sabi nga natin hindi tayo puwedeng mag-relax dito. Our intelligence operatives are continuously monitoring threat groups even outside sa Metro Manila na puwedeng gumalaw sa loob while this Traslacion is ongoing,” sabi ni Albayalde.

May dagdag pang tauhan mula sa Joint Task Force-National Capital Region ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Special Action Force (SAF), Explosive and Ordnance Division (EOD), at Special Weapons and Tactics (SWAT).

Bukod pa rito ang deployment ng plainclothes personnel mula sa Philippine National Police (PNP), AFP, at National Intelligence and Coordinating Agency.

Gayunman, hinihintay pa ng NCRPO ang pahayag mula sa executive committee kaugnay naman sa jamming ng cell phone signals.

Samantala,magsasagawa ng random checking ang NCRPO sa mga dadalo sa prusisyon upang masuri ang dalang backpack o bag ng mga ito, kabilang ang mga deboto at expectators sa daraanan ng Traslacion.

Naglatag na rin ng kaliwa’t kanang checkpoints, Oplan Sita, at anti-criminality drive sa labas ng Maynila upang masawata ang anumang krimen.

Pinaalalahanan ni Albayalde ang mga deboto at mga sasama sa prusisyon na maging alerto at mapagmatyag at kaagad isumbong o i-report sa awtoridad ang mapapansing kahina-hinalang kilos o bagay.

Naka-standby na rin ang 23 medical station, 65 ambulansiya at 15 rescue boats.