Ni PNA
TINIYAK ng Department of Trade and Industry sa publiko na pinaigting ng kagawaran ang monitoring nito sa mga presyo ng bilihin kasunod ng pagpapatupad sa bagong batas sa reporma sa buwis.
Sinabi ni Department of Trade and Industry Secretary Ramon Lopez na nagpakalat na ang kagawaran ng ilang monitoring team sa Metro Manila at sa iba pang lugar sa bansa upang matiyak na hindi nagsasamantala ang mga negosyo sa pagtataas ng presyo ng mga bilihin kaugnay ng bagong Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act.
Sinabi ni Lopez na may pitong grupo na nag-iikot sa National Capital Region at 15 pang grupo na lumilibot naman sa buong bansa, sa tulong ng mga regional office ng Department of Trade and Industry, para bantayan ang presyo ng mga bilihin.
Ayon kay Lopez, hindi dapat na magtaas ng presyo sa mga produktong petrolyo at sa matatamis na inumin ngayong linggo o hanggang Enero 15 o Enero 21, dahil ang isinagawang imbentaryo sa buffer stocks ng mga produktong ito na kasalukuyang ibinebenta sa merkado ay inimbak sa panahong hindi pa naipatutupad ang TRAIN law.
Sinabi ng kalihim na magpapasya ang Department of Trade and Industry kaugnay ng pag-aatas sa mga establisimyento na panatilihin ang presyo ng produktong petrolyo at ng matatamis na inumin hanggang Enero 15 o Enero 21.
Dagdag pa ni Lopez, nananatiling stable ang presyo ng mga produkto sa merkado batay sa monitoring ng kagawaran.
Kabilang sa mga probisyon ng TRAIN Act na makaaapekto sa mga mamimili ang excise tax sa petrolyo at sa matatamis na inumin o sugar-sweetened beverage (SSB) tax.
Sa bagong batas, magpapataw ng P2.50 kada litrong excise tax sa diesel at P7 kada litro sa regular at unleaded premium gasoline.
Magpapataw din ng P6 buwis kada litro sa mga inuming gumagamit ng caloric at non-caloric sweetener at P12 kada litro sa mga inuming gumagamit ng high fructose corn syrup.
Layunin ng mga bagong buwis na ito na mabawi ang mga nabawas sa koleksiyon ng buwis dahil ibinaba rin ng TRAIN law sa 99 na porsiyento ang tax rate ng mga indibiduwal na taxpayer.