Ni Samuel Medenilla at Beth Camia

Binaligtad ng Court of Appeals (CA) ang utos ng mababang korte na pinapayagan si Mary Jane Veloso, ang Pilipinang nasa death row sa Indonesia dahil sa drug trafficking, na tumestigo laban sa umano’y mga ilegal na nag-recruit sa kanya, sa pamamagitan ng isang deposition.

Pinagbigyan ng dating Eleventh Division ng CA ang petisyon ng recruiters ni Veloso na sina Ma. Cristina Sergio at Julius Lacanilao na baligtarin at isantabi ang ruling ng Nueva Ecija Regional Trial Court.

Sina Sergio at Lacanilao ay nahaharap sa kasong human trafficking matapos umanong lokohin si Veloso para magpuslit ng droga sa Indonesia noong 2010.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Una nang iniutos ni Nueva Ecija RTC Branch 88 Judge Anarica Castillo-Reyes sa Philippine Consulate sa Indonesia na kunin ang deposition ni Veloso mula sa kanyang kulungan sa Wirongunan Penitentiary.

Pero ang argumento ng mga nasasakdal, ang deposition ay lalabag sa kanilang karapatan na direktang komprontahin ang testigo laban sa kanila na nakagarantiya sa ilalim ng Section 14 ng 1987 Constitution.

Pinaboran ng CA na dapat ay dumalo si Veloso sa paglilitis ng kaso kung siya ay tetestigo.

Samantala, sinabi kahapon ng Migrante-Philippines na ang nasabing desisyon ng CA ay makaaapekto sa pag-asang mapalaya si Veloso mula sa death row sa Indonesia.

Kinondena sa pahayag ng chairperson ng Migrante-Philippines na si Arman Hernando ang pagbaligtad ng CA sa ruling ng huwes ng RTC.

“This is a very unfortunate development. Let us all be reminded that the basis for Mary Jane’s temporary reprieve in 2015 was to give way to legal proceedings here in the Philippines,” ani Hernando.