SA unang pagkakataon sa nakalipas na mga taon, bumaba ang bilang ng mga nasugatan dahil sa paputok nitong bisperas ng Bagong Taon. Sa unang araw ng Bagong Taon, nakapagtala ang Department of Health ng 191 kaso — 68 porsiyentong mas mababa kaysa noong nakaraang taon at bumaba ng 77 porsiyento sa mga naitala sa nakalipas na limang taon, o simula 2012 hanggang 2016.
Ang pangunahing dahilan ay ang Presidential Executive Order No. 28 na naglimita sa paggamit ng paputok sa iisang community area sa bawat barangay. Sino ang magnanais na umalis ng bahay sa bisperas ng Bagong Taon upang magpaputok sa lugar na ilang bloke ang layo sa kanyang tirahan sa ilang common community area? Kaya naman karamihan ay piniling manatili sa bahay kapiling ang kani-kanilang pamilya.
May isa pang dahilan kaya naging epektibo ang kampanya laban sa pagpapaputok nitong bisperas ng Bagong Taon. Sa nakalipas na mga taon, binalewala ng publiko ang requirement, na karaniwang itinatakda ng lokal na pamahalaan, na gumamit lamang ng mga paputok sa isang partikular na lugar. Ngayong taon, pinaniniwalaang buo ang puwersa ng pulisya sa pagpapatupad sa nasabing executive order ng Pangulo.
Marahil naging maluwag ang pulisya sa nakalipas na mga taon sa pagtugon sa mga lumabag sa paggamit ng paputok.
Subalit sa harap ng malawakang kampanya kontra droga at sa daan-daang napatay sa mga operasyon para rito, malinaw na hindi kukunsintihin ng mga pulis ang mga patuloy na magpapaputok, o ang kahit ano pang paglabag. Dahil dito, wala na ang karaniwang nakabibinging sabay-sabay na pagpapaputok sa lahat ng panig ng Metro Manila at sa iba pang bayan at lungsod sa bansa nitong bisperas ng Bagong Taon. Dahil dito, kakaunti na lang din ang nasugatan.
Kailangang makaagapay ang industriya ng paputok sa bansa sa pagbabagong ito. Nawala na rito ang mga ilang taon nang suki. Kailangang mula sa paggawa ng paputok ay gumawa na lang ang mga ito ng fireworks, o iyong nagsasabog ng makukulay na liwanag at disenyo sa kalangitan. Mga lokal na pamahalaan at organisasyong sibiko — hindi mga indibiduwal — ang posibleng bumili ng mga pyrotechnics na ito para sa pagdiriwang ng mga komunidad.
Posibleng natuldukan na noong nakaraang linggo ang tradisyunal na selebrasyon ng bisperas ng Bagong Taon ng mga Pilipino, na dating tinatampukan ng kabi-kabilang maiingay na pagsabog ng paputok sa bawat lansangan. Subalit mas kakaunti na ngayon ang nasugatan kaya masasabing nararapat lamang ang pagbabagong ito sa tradisyon. Dapat na mas kakaunti na rin ang insidente ng sunog.
Malugod nating tinatanggap ang mas ligtas na selebrasyong ito at inaasam na mabibigyang-daan nito ang mas ligtas na taon para sa ating bansa habang nakatuon sa seryosong pagtatayo ng mga imprastruktura para sa pambansang progreso at mas maginhawang buhay para sa lahat ng Pilipino, partikular na para sa pinakamahihirap.