Ni Kier Edison C. Belleza
Bumangga ang isang ferry at isang cargo ship sa Lawis Ledge sa Talisay City, Cebu kahapon.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Cebu Station Commander Jerome Cayabyab, sakay sa M/V Lite Ferry 20 ang 54 na pasahero nang mangyari ang insidente, bandang 12:55 ng tanghali. Ito ay patungo sa Tubigon, Bohol mula sa Cebu City.
Samantala, ang LCT Seamine 8 ay patungo sa Naga City, Cebu.
“There were no reported injuries on either vessel. It was initially reported that the cargo ship had hit the passenger ferry,” sabi ni Cayabyab sa panayam sa telepono.
Natanggap ng PCG ang ulat pasado 1:00 ng hapon.
Sinabi ni Cayabyab na nagdesisyon ang mga kapitan ng dalawang vessel na magpunta sa kani-kanilang destinasyon, at bahagyang pinsala lamang ang natamo ng dalawang sea craft.
Sinabi ni Cayabyab na kaagad nilang inalerto ang pinakamalapit nilang substation sa Naga City at sa bayan ng Tubigon upang alalayan ang vessel.
Sa ngayon, ayaw magbigay ng PCG ng komento kung aling barko ang may pagkakamali na naging sanhi ng aksidente.
Sinabi niya na hinihintay pa ng PCG ang marine protest mula sa kapitan ng barko.