Ni Jaimie Rose Aberia at Aaron Recuenco

Walang na-monitor na pagbabanta sa seguridad ang Manila Police District (MPD) kaugnay ng taunang Traslacion ng Mahal na Poong Nazareno sa Martes, Enero 9.

“There have been two coordinating conferences starting last December and as discussed in the intelligence reports, there is no report that would indicate a direct, actual, and imminent threat so the inter-agency already gave a go-signal to proceed with the Traslacion. There is no reason to postpone it,” sabi ni MPD Director Chief Supt. Joel Coronel.

Gayunman, sinabi ni Coronel na patuloy ang monitoring ng mga operatiba, kasabay ng panawagan sa pubsliko na tulungan silang makamit ang ligtas at maayos na Traslacion.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Hinihingi namin ang inyong tulong dahil hindi namin kaya na kami lang,” sabi niya. “Ang kahilingan namin sa publiko, if you see something, say something. Pangako naming ay aaksiyunan namin ito.”

Samantala, sinabi ni Manila City Administrator Atty. Jojo Alcovendaz na marami silang natutuhan sa nagdaang Traslacion upang mas maging maayos ang sa kasalukuyang taon.

“Taun-taon ang ginagawa natin, we try to improve on past experiences. Sa panig ng Maynila, puspusan na ang pakikipag-ugnayan sa simbahan, pulis, at lahat ng organization upang masiguro ang kaligtasan ng bawat deboto,” sabi ni Alcovendaz.

Nasa 5,000 tauhan ng MPD at 1,500 iba pa mula sa ibang regional offices ang inatasang siguruhin ang kaligtasan ng mga deboto na makikiisa sa prusisyon.

PAGGAMIT NG SIGNAL JAMMERS

Pinag-aaralan pa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kung kinakailangang gumamit ng signal jammers para sa prusisyon.

Habang ito ay pinag-iisipan, sinabi ni NCRPO chief Director Oscar Albayalde na tinitimbang pa nila ang mga pros at cons sa paggamit ng signal jammers.

“The signal jammers affects Malacañang, nearby areas of the City of Manila and even some parts of Cavite,” sabi ni Albayalde sa panayam sa telepono. “We might (irekomenda ang paggamit ng signal jammers)… we are still waiting for the recommendation of the Executive Committee.”

GUN BAN

Magpapatupad naman ng 48-oras na gun ban simula Enero 8 hanggang 10 bilang bahagi ng pagtiyak sa seguridad ng Traslacion, ayon kay Chief Supt. Coronel.

Sinabi ni Coronel na magsisimula ang gun ban mula hatinggabi ng Enero 8 hanggang hatinggabi ng Enero 10.

“Permit to carry will be temporarily suspended for the entire city of Manila,” ani Coronel.

Gayunman, hindi kasama ang uniformed personnel at ang mga nagbibigay ng security coverage sa Pangulo at sa Cabinet officials.

Nanawagan din ang MPD chief sa mga “with compelling need” na magdala ng armas na iwasan ang Maynila sa loob ng 48 oras.

Inirekomenda rin ni Coronel kay Manila Mayor Joseph Estrada na magpatupad ng liquor ban mula 6:00 ng gabi ng Enero 8-Enero 10 ng 6:00 ng umaga.

Una nang kinansela ni Manila Mayor Joseph Estrada ang klase sa lahat ng antas at pasok sa mga tanggapan ng gobyerno sa Maynila sa Martes.

Sinuspinde na rin kahapon ng Korte Suprema ang pasok sa mga korte sa Maynila.