Ni Jimi Escala
MALAKI ang posibilidad na pumalaot na rin sa pulitika si Sheryl Cruz.
Kung noong nakaraang eleksiyon ay tinanggihan ni Sheryl ang alok na tumakbo sa isang lokal na posisyon, ngayon ay pinag-iisipan na raw ito ng aktres.
Noong nakaraang taon ay natsismis na nililigawan ni Anjo Yllana si Sheryl na ilang beses na nitong isinama sa session ng Quezon City council kaya napabalita na maaring tumakbo ang huli sa QC.
Pero hindi raw sa Quezon City ang puntirya ni Sheryl kundi Maynila.
Ayon sa nakausap naming kaibigan na malapit sa aktres, may mga kumukumbinsi kay Sheryl para tumakbong konsehal sa Manila.
Sa totoo lang naman ay nagmula sa Gagalangin, Tondo ang mga Cruz kaya walang problema kung sa Maynila tumakbo si Sheryl.
Napag-alaman din namin na kinukumbinsi si Sheryl na tumakbo sa Maynila ng isang taong malapit kay Manila Mayor Joseph Estrada na bukod sa tinalo nitong nagdaang eleksiyon na si dating Mayor Alfredo Lim ay makakalaban na rin sa 2019 elections si dating Vice Mayor Isko Moreno at ang dating senador Manny Villar, huh!