Ni NIÑO N. LUCES

SORSOGON CITY – Nasa P120 milyon halaga ng cocaine ang nadiskubreng lumulutang sa pampang sa bahagi ng Barangay Calintaan sa Matnog, Sorsogon nitong Miyerkules ng madaling araw.

Kinumpirma ni Senior Supt. Marlon Tejada, director ng Sorsogon Police Provincial Office (PPO), na ang unang napaulat na 24 na pakete ng shabu na natagpuan sa dalampasigan at nasuring cocaine pala, batay sa lumabas na laboratory result kahapon.

Ayon kay Senior Supt. Tejada, bandang 5:30 ng umaga nitong Enero 3 nang i-report ng isang Robert Galvez y Frado sa himpilan ng Matnog Municipal Police ang pagkakadiskubre niya sa isang plastic container, na punumpuno ng puting pulbos na nakabalot ng packaging tape at pinaghinalaang shabu, sa dalampasigan ng Juag Lagoon sa Bgy. Calintaan.

Probinsya

Lalaking kusa umanong tumalon sa kulungan ng buwaya, sinakmal!

Kaagad na nagsagawa ng imbestigasyon ang pulisya at nasamsam ang 24 na pakete ng puting pulbos na tumitimbang ng isang kilo bawat isa.

“Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na inanod ‘yung container sa baybayin. Nung mag-low tide, nakita ‘yung plastic container,” sinabi ni Senior Supt. Tejada sa Balita. “Duda ko, itinapon ‘yun galing sa isang barko. Baka kasi may nagpapatrulya na maritime police, o baka dala ng kung sino tsaka itinapon sa dagat.”

Kaagad na dinala ang mga nakumpiskang droga sa Crime Laboratory sa Camp General Simeon Ola sa Legazpi City, Albay hanggang makumpirma kahapon na cocaine pala ito.

Aniya, tinaya ng PDEA sa P5 milyon ang halaga ng bawat pakete ng ilegal na droga.

“Twenty four kilos ‘yung na-recover, so it is P120 million, ‘uung street value,” ani Senior Supt. Tejada.