PINASOK na ang mundo ng publishing ng love teams na MayWard nina Maymay Entrata at Edward Barber at McLisse nina McCoy de Leon at Elisse Joson, bilang mga karakter sa double-cover na mangaserye na He’s My Oppastar at Vlogger Girl Problems.
Tingnan ang dalawa sa sikat na love teams ngayon bilang mga karakter ng manga o cartoon sa mga librong nagbibigay ng twist sa tradisyunal na paraan ng pagkukwento. Ang manga ay isang estilo ng Japanese comics o nobela na paborito ngayon ng mga mambabasa ng iba’t ibang henerasyon.
Si Macy (Maymay) ay isang fangirl ng KPop group na Miniluv sa kuwentong He’s My Oppastar. Tila naguguluhan siya sa pagdiskubre kung ang bagong kaklase na si Eddie (Edward) ay ang kanyang “oppa” na si Red, ang lead vocalist ng Miniluv. Si Eddie nga kaya ang inaasam-asam na idolo o nagkakamali lang ang masayahing si Macy?
Si Elisse naman ay unti-unting nakikilala bilang beauty at lifestyle influencer na si Elaine sa Vlogger Girl Problems. Isang araw, mahoholdap siya at tutulungan ng misteryosong lalaki (McCoy). Magpapatuloy pa ng ilang araw ang mga pagsagip na ito sa kanya ng binata. Papangalanan niya bilang si Mr. Blue ang lalaking tila nagpapakita sa kanyang mga videos at hahanapin ito upang lalo pang makilala.
Ang dalawang kuwentong ito ay magkaugnay at kaabang-abang kung paano magkukrus ang mga landas nina Macy, Eddie, Elaine, at Mr. Blue.
Mabibili na ang book 1 at book 2 ng He’s My Oppastar ng MayWard at Vlogger Girl Problems sa iba’t ibang branches ng National Bookstore o Powerbooks sa halagang P185.