SA buong panahon ng 2017, naging regular ang mga negatibong balita tungkol sa kampanya kontra droga ng pamahalaan—libu-libo ang napatay sa mga operasyon ng pulisya, daan-daang libo ang inaresto at sumuko, nagpahayag ng pagkabahala ang mga pandaigdigang human rights organizations, at nakalusot sa Customs ang P6.4-bilyon halaga ng shabu na nasamsam sa ginawang pagsalakay sa dalawang bodega sa Bulacan.
Sa pagsisimula ng 2018, isang natatanging magandang balita ang namayani—iniulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na 5,072 sa 42,036 na barangay sa bansa ang idineklara nang malaya sa impluwensiya ng ilegal na droga.
Nangangahulugan ito na wala nang nagsu-supply ng bawal na gamot sa nasabing bilang ng mga barangay, walang drug laboratory o bodegang pinag-iimbakan, walang taniman ng marijuana, walang drug den, walang mga tulak at adik.
Ang lahat ng ito ay kinailangang sertipikahan ng komite na pinamumunuan ng PDEA, kasama ang mga miyembro ng Philippine National Police, Department of Interior and Local Government, Department of Health, ang mga local government unit, bago maideklarang drug-free ang isang barangay.
Maaalala ang unang taon ng administrasyong Duterte bilang pagsisimula ng malawakang kampanya upang masawata ang banta ng droga sa bansa. Ito ang naging pangunahin niyang ipinangako noong nangangampanya pa ang kalaunan ay naihalal na si Pangulong Duterte, at kaagad at masigasig niyang isinakatuparan ito nang maluklok siya sa puwesto noong Hunyo 2016.
Sa umpisa ay nangako siyang tutuldukan ang banta ng droga sa loob ng tatlong buwan hanggang sa makumpirma niya kung gaano na kalala at kalawak ang problema na kakailanganin ang buong anim na taong termino ng kanyang administrasyon upang makumpleto ang misyon.
Sa harap ng kabi-kabilang patayan, kabilang na ang pamamaslang sa mga binatilyong gaya ni Kian delos Santos ng Caloocan City, sinuspinde ng Pangulo ang mga operasyon kontra droga ng PNP at inatasan ang PDEA upang pangasiwaan ang kampanya. Sa kabila ng limitado nitong mga pasilidad at tauhan, mahusay na ginampanan ng PDEA ang tungkulin nito nang buo ang respeto at pagpapahalaga sa batas. Ipinagpatuloy nito ang kampanya, katuwang ang mga tauhan at pasilidad ng PNP, ng National Bureau of Investigation, at iba pang sangay ng pagsisiyasat.
Ang iniulat ng PDEA noong nakaraang taon na idineklara nang drug-free ang 5,072 barangay sa bansa ay isang napakagandang balita sa pagsisimula ng bagong taon. Pinatunayan nitong epektibong naipagpatuloy ang kampanya.
Nagawang maharangan ng mas mahigpit na pagpapatupad ng mga regulasyon sa Bureau of Customs ang dating pangunahing entry point ng ilegal na droga mula sa China at iba pang mga bansa. Naipasara ng mga pagsalakay ng pulisya ang mga natitirang drug den sa bansa. Maraming lokal na opisyal na inakusahan sa pagbibigay ng proteksiyon sa mga operasyon ng droga ang nililitis na ngayon sa korte.
Sa ikalawang taon ng kanyang administrasyon, tutugunan ng pamahalaan ang ilan pang mga problema na kinahaharap ng bansa, partikular ang malawakang kahirapan, rebelyon sa ilang bahagi ng bansa, krimen, kurapsiyon sa ilang ahensiya ng gobyerno, pagbibigay ng proteksiyon sa pambansang teritoryo at paninindigan sa ating mga karapatan at interes sa mga pandaigdigang hindi pagkakasundo.
Subalit nagpapatuloy ang kampanya upang matuldukan na ang problema sa droga sa bansa, gaya ng iniulat ng PDEA.
Inaasahan natin ang mas marami pang ulat tungkol sa progreso ng kampanya kontra droga.