MALAKING pasabog ang inihain ng The Good Son sa pagtatapos ng 2017 kaya nagtala ang serye ng panibagong all-time high na national TV rating. Tinutukan ng mga manonood sa buong bansa ang mainit na komprontasyon nina Enzo (Jerome Ponce) at Calvin (Nash Aguas) na muntikan nang mauwi sa pagpapakamatay ng huli noong Biyernes (Dec 29).
Nagkamit ang serye ng national TV rating na 21.7%, ayon sa survey data ng Kantar Media, dahil sa makapigil-hiningang eksenang pilit inaalam ni Enzo kung may kinalaman ba si Calvin sa pagkamatay ng amang si Victor (Albert Martinez).
Humantong pa ito sa akmang pagtalon ng nakababatang Buenavidez mula sa tuktok ng abandonadong gusali.
Tinalo ng naturang episode ang katapat nitong programa na My Korean Jagiya na nagtala lamang ng 12.3%.
Umulan naman ng mga papuri sa pagganap ng cast ng programa sa social media mula sa mga manonood.
“Ang galing ng cast ng TGS at pantay-pantay ang kahalagahan at exposure ng bawat aktor. Bawat isa ay may shining moment,” tweet ng Twitter user na si @direkrodel.
“Nash Aguas is brilliant! He’s young pero beterano. Ang galing galing niya,” papuri naman ni @rolfhrodriguez.
“Ms. Eula pang best actress ka talaga! Nash, sobrang convincing ng acting mo. Jerome, you improved so much! Kudos to these three brilliant actors,” sabi naman ng YouTube user na si Christy Prejido.
Bago pa napanood ang eksena noong Biyernes, naging usap-usapan na rin sa social media ang serye noong Kapaskuhan dahil sa kahanga-hangang pagganap ni Nash sa kanyang karakter nang masiwalat ang sakit niya sa pag-iisip at ang rebelasyong imahinasyon lang niya ang kaibigang si Justine (Alexa Ilacad).
Sa daloy ng kuwento, nagdududa pa rin si Joseph (Joshua Garcia) sa tunay na pagkatao ni Calvin kaya patuloy siyang maghahanap ng ebidensya upang mapatunayang anak ito ni Dado (Jeric Raval). Ngunit gumagawa na ng paraan si Olivia (Eula Valdez) upang mapatigil si Joseph, kahit pa daanin niya ito sa dahas.
Malaman na nga kaya ni Joseph na si Calvin ang anak ni Dado? Ano naman kaya ang mga plano ni Olivia upang maprotektahan ang kanilang lihim?
Lalong umiigting ang mga banggaan sa The Good Son na napapanood gabi-gabi pagkatapos ng La Luna Sangre sa Primetime Bida ng ABS-CBN.