Ni NORA CALDERON
NATALO pa rin ng Dabarkads si Alden Richards nang mag-celebrate ng 26th birthday sa Eat Bulaga nitong January 2.
After his opening number sa show, pinanindigan ni Alden na hindi siya iiyak kaya kahit ano pa ang gawin nina Allan K at Ruby Rodriguez, nagpustahan pa kahit bente-bente lang. Pero nagtanong si Ruby kung ano ang masasabi niya na wala na ang kanyang Mommy Rio na siyang may gustong pasukin niya ang pag-aartista at sundan pa ni Allan K na kantahin niya ang God Gave Me You at i-dedicate sa kanyang Mommy Rio. At ipinaliwanag na kapag nagbi-birthday raw ang tao, kasabay din niyang nagbi-birthday ang inang nagsilang sa kanya. Humiling din sina Ruby at Allan K kay Alden ng mensahe para sa mommy niya.
“Ma, araw-araw naman tayong magkasama dahil lagi kitang kausap, lagi kang kasama sa dasal ko, sayang nga lang na hindi mo nakita ang mga nangyari sa akin na gusto mo,” sabi ni Alden na basag na agad ang boses, at bagamat naiyak na nga ay hindi siya bumigay na tulad nang dati.
Nasa barangay naman si Maine Mendoza kasama nina Jose Manalo, Wally Bayola at Paolo Ballesteros, na isa-isang nagbigay ng message kay Alden. Lahat ay concern sa health ng binata na kinakalimutan nito sa sobrang sipag na magtrabaho.
“Happy birthday Alden,” sabi ni Maine, “nasa iyo na ang lahat na p’wede mong mabili, pero kung anuman iyong hinihiling mo sa buhay at saka iyong inaasam ng puso mo, sana ibigay sa iyo.”
Nang tanungin ni Tito Sen si Maine kung nabati na niya si Alden, “Yes po, kanina pong umaga, 3:05 AM,” biro nito, titingnan daw niya ang cellphone ni Alden para malaman niya kung binati nga talaga si Alden.
Ang birthday wish ni Alden?
“I’ve been blessed sa three years na narito ako sa longest running noontime show. Pero ang talaga ko pong wish, sana mawala na iyong too much hate sa mga tao na hindi na po natin nakikita ang kabutihan nila. Tulad nga ng sabi ng nag-text sa akin kaninang umaga, sabi niya “do more of what makes you happy.”
Naglaro ng “Pinoy Henyo” ang mga taong close kay Alden, sina Kristoffer Martin, ang pinsan niyang si April Penaranda, Bea Binene at Sam Sanciangco, ang handler niya at si Mark Herras at ang PA niyang si Tenten Mendoza.
Tuloy pa rin ang “Give Love on New Year’s Day” sa EB at dahil si Alden ang may birthday, siya ang lumabas ng studio para bumili ng gift na request ng dalawang napili sa studio audience. Tinanggap nila ang washing machine with dryer at malaking television set from Alden.
Pero hindi doon natapos ang birthday celebration ng Pambansang Bae. After ng Eat Bulaga, nakatanggap kami ng text na nasa Broadway studio si Maine, doon tumuloy after ng sugod-bahay. Si Alden naman tumuloy sa kanyang Concha’s Garden Cafe dahil may Thanksgiving Mass siya roon officiated by his spiritual director na si Fr. Jeffrey Quintela. Naroon din ang Dabarkads, sina Direk Mike Tuviera, Rams David at staff ng Eat Bulaga.
Ayon sa nag-text sa amin, sinundan nila ang car ni Maine na tumuloy sa Concha’s. Kung hindi kami nagkakamali, second time iyon ni Maine sa resto ni Alden, una noong magsimula ang road trip ni Alden kasama si Regine Velasquez papunta sa GMA Network para sa Saturday Night Live show nito.
Private ang birthday party ni Alden with his guests at walang fans. Pero maraming video at pictures na agad lumabas sa social media. Ayon sa source namin, nakunan nila ang pagdating ni Maine sa resto, at lahat ng mga kuha nila ay mula sa labas ng malaking glass window ng resto, hindi sila nagpilit na pumasok, dahil inirespeto nila ang privacy ng party.
Hindi naman daw sila binawalang kumuha ng picture from outside, kaya medyo madilim ang shots nila.
Na-post ang video na sinalubong ni Alden si Maine na nag-beso sa kanya, iyong nag-uusap sila kaharap si Celeste Tuviera, ang hair stylist ni Maine at anak ni Mr. Tony Tuviera. Nag-ikot din naman si Maine sa loob ng resto at bumeso sa mga kapwa niya taga-EB. Nagkaroon ng chance si Fr. Jeff na makapagpa-sign ng copy niya ng “Yup, I Am That Girl” book ni Maine. May post din na kasama ni Alden sina Maine, Direk Mike Tuviera, Jenne Ferre, Celeste at Jerald Napoles.
Matagal ding nag-stay si Maine sa Concha’s bago siya nagpaalam kay Alden dahil may work sila pareho kinabukasan sa “Eat Bulaga.”