Ni JUN FABON

Patay ang bagitong pulis at sugatan ang dating pulis at anak nito nang sumalpok ang kinalululanan nilang motorsiklo sa isang cargo truck sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Sa report ni Police Chief Insp. Carlito Renegin, hepe ng Traffic Sector 1 ng Quezon City Police District Traffic Enforcement Unit (QCPDTEU), kinilala ang nasawing pulis na si PO3 Dexter Valencia, ng QCPD. Siya ay namatay sa pagkabagok.

Nakaratay naman ngayon sa East Avenue Medical Center (EAMC) ang angkas ni Valencia na sina Wilfredo Tan, dating pulis ng QCPD; at anak niyang si Jomar Tan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa imbestigasyon ni Police Chief Insp. Renegin, naganap ang salpukan sa Quezon Avenue, kanto ng D. Tuazon Street, Quezon City.

Una rito, nag-inuman umano sa isang bar sina PO3 Valencia, Wifredo, at Jomar.

Sakay sa Yamaha Mio, umuwi na ang tatlo at si PO3 Valencia ang nagmaneho at umangkas ang mag-amang biktima.

Habang binabaybay ang kahabaan ng Quezon Avenue, patungong Maynila, biglang sumalpok ang kinalululanan nilang motorsiklo sa gilid ng sinundang Izuzu Wingvan (RLL-799) na minamaneho ng 45-anyos na si Lauro Padilla ng Nueva Ecija.

Sa lakas ng pagkakasalpok ng motorsiklo sa truck, nabagok si PO3 Valencia at malubhang nasugatan sina Wilfredo at Jomar.

Kusa namang sumuko sa Traffic Sector 1 si Padilla at kasalukuyang nakakulong matapos kasuhan ng reckless imprudence resulting to homicide, double injuries at damage to property.