LAYUNIN ng sanctions ng United Nations laban sa North Korea na magdulot ng matinding epekto sa gobyerno at ekonomiya nito upang mapigilan ito sa pagsasagawa ng mga nuclear bomb test at paglikha ng intercontinental ballistic missiles.
Ang huling sanctions, na ibinaba nitong Disyembre 22, 2017, ay layuning limitahan sa apat na milyong bariles kada taon ang crude oil na iniluluwas ng North Korea, bukod pa sa ipinagbawal ang halos 90 porsiyento ng crude oil exports nito. Nanawagan din ang UN sa iba’t ibang bansa sa mundo na huwag nang tangkilikin ang serbisyo ng mga North Korean overseas worker.
Unti-unting tumitindi ang economic sanctions na ito sa nakalipas na mga taon subalit mistulang hindi naman nito nakukuha ang inaasam na epekto.Hindi napigilan ang North Korea sa mga isinasagawa nitong test. Pagkatapos ng huli nitong Disyembre, idineklara nitong ang mga missile nito ay maaari na ngayong mapuntirya ang alinmang siyudad sa Amerika. Nagawa namang magawan ng paraan ng North Korea ang pag-aangkat at pagluluwas ng sapat na langis at produktong petrolyo upang maipagpatuloy ang missile tests at maprotektahan ang ekonomiya nito.
Noong nakaraang linggo, iginiit ng Amerika — sa pamamagitan ng tweet ni President Donald Trump — na namataan ng mga US satellite ang ilang barko ng China habang naglilipat ng mga produktong petrolyo sa mga barko ng North Korea sa karagatan. Kaagad namang itinanggi ng tagapagsalita ng China foreign ministry ng China ang nasabing alegasyon.
Kasabay nito, sinabi ng dalawang security source mula sa Western Europe na nag-supply ng petrolyo ang mga Russian tanker sa North Korea sa tatlong pagkakataon sa nakalipas na mga buwan, at sa dagat din isinasagawa ang paglilipat ng nasabing kargamento. Hindi naman kaagad na nakapagkomento ang Russian foreign ministry.
Matagal nang karibal ng Amerika ang China at Russia sa mga pandaigdigang usapin at bagamat pareho nilang sinusuportahan ang desisyon ng UN Security Council sa mga ipinataw na economic sanction, ilang sektor ng kani-kanilang ekonomiya ang nakikipagtransaksiyon pa rin sa North Korea.
Sakaling hindi magtagumpay ang mga economic sanction, nangangamba tayong ang Amerika, sa pangunguna ng pabagu-bago ang isip na si President Trump, ay maaaring gumawa ng ibang hakbangin upang puwersahin ang North Korea na tigilan na ang pagpapahusay nito ng mga armas, na hayagan nitong inaamin na partikular na pinupuntirya ang Amerika.
Sa bagong taong ito ng 2018, ang panganib na magkaroon ng digmaan sa Korean Peninsula at sa mga bansang nakapaligid dito ay higit pang tumitindi. Sa katunayan, posibleng lumala pa nga ito sa napaulat na patuloy na pagsuway ng North Korea sa kabila ng mga sanction ng UN, habang inaakusahan naman ang China at Russia ng palihim na pagtulong dito. At mas matapang pa ngayon ang mensahe ni Kim Jong Un para sa Bagong Taon, nang sabigin niyang magiging maramihan na ang produksiyon ng kanyang bansa ng mga nuclear warhead at missiles.