INIHAYAG ng Department of Health (DoH) nitong Lunes ang malaking pagbaba ng bilang ng kaso ng nasugatan sa paputok, sa ebalwasyon nito simula noong Disyembre 21, 2017 hanggang Enero 1, 2018, kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
“We are relatively pleased that we have recorded a 68-percent reduction in cases. ‘Relatively’ because there are still injuries reported, but ‘pleased’ because of the substantial reduction,” sabi ni Health Secretary Francisco Duque III.
Sinabi ni Duque na nakapagtala sila ng kabuuang 191 kaso para sa nasabing panahon, na 77 porsiyentong mas mababa kaysa limang taong (2012-2016) average na naitala ng kagawaran.
Sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, aniya, nakapagtala ang Department of Health ng kabuuang 604 na kaso.
Sa huling tala ng kagawaran hanggang nitong Enero 2, umabot na sa 362 ang naputukan sa bansa.
Inilarawan din niya na ang pagbaba ay mahalaga at malaki dahil nalagpasan nito ang target ng kagawaran na 50-porsiyentong natapyas para sa taong ito, na nagawang magtagumpay sa tulong ng Executive Order No. 28, na naglilimita sa paggamit ng paputok sa buong bansa.
Gayunman, aniya, hindi pa rin sila makukuntento hanggang sa maging “zero” ang pinsala, na pangunahing target ng Department of Health.
“Nalampasan ng DoH ang target [with the latest data]. Pero mas maganda sana ay zero casualty. ‘Yun talaga ang gusto natin,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin niya na ang pangkalatahang kampanya ng gobyerno laban sa paggamit ng paputok ang pinakamalaking tulong sa pagkakamit ng kakaunting nasugatan sa paputok ngayong taon.
“We would also like to thank President Duterte for the passing of EO 28, which reinforced the efforts of the DoH and other concerned agencies, such as the Department of Interior and Local Government, Bureau of Fire Protection, Philippine National Police, and EcoWaste Coalition, among others,” lahad ni Duque.
“The ultimate goal is for a ban on firecrackers totally. This is still subject to discussion in the DOH so we can later make a recommendation to the President,” aniya pa.