Ni NORA CALDERON
NAIIBANG talaga ang Eat Bulaga na nagdiriwang ng kanilang 39th year at ilang buwan na lang ay magdiriwang na ng 40th year sa pagpapasaya at pagbibigay ng blessings sa mga manonood hindi lamang dito sa Pilipinas kundi sa iba’t ibang bahagi pa ng mundo.
Suwerte rin ng naging sugod-bahay winner nilang 22 year-old na si Rannie Besa nitong Tuesday, January 2, na nakasabay na nagsi-celebrate ng birthday ni Alden Richards.
Firefighter volunteer si Rannie na katatapos lamang tumulong kasama ng iba pang firefighters sa sunog sa Tondo noong New Year. Na-interview siya nina Jose Manalo, Wally Bayola, Paolo Ballesteros at Maine Mendoza, nandoon din ang pinuno nila, at nalamang manu-mano lang pala ang pagtulong nila dahil wala silang sariling firetruck na ginagamit.
Kaya nang tanungin si Rannie kung ano ang birthday wish niya, sana raw ay magkaroon sila ng sariling firetruck, kahit hindi malaki, iyong sapat lamang makapasok sa maliliit na lugar na may sunog. Nagtanong ang magkapatid na Senator Tito at Vic Sotto kung magkano ang isang firetruck na kailangan nila. Sagot ng head nila, nagtanong na raw sila at aabot ito ng more than 700 thousand pesos. Aalamin daw nina Tito Sen kung magkano at malalaman nila kung kaya nilang ibigay ang firetruck.
Pero hindi na maghihintay si Rannie dahil nasa studio si Mr. Tony Tuviera ng TAPE, Inc. na agad sumagot na ipagkakaloob nila ang hinihinging firetruck.
Tuwang-tuwang napalundag si Rannie at ang ganda ng ngiti ng head nila nang magpasalamat. Lalo raw silang magiging masipag sa pagtulong sa kapwa kapag dumating ang mga ganoong pagkakataon.
Bukod sa firetruck, tumanggap pa rin si Rannie ng mahigit P100,000 plus ang Bossing Savings Bank, mula sa sponsors ng “Juan for All, All For Juan” segment at ng cash prize mula sa Eat Bulaga.