Ni Martin A. Sadongdong
Isang tatlong taong gulang na babae na umano’y dinukot sa Las Piñas City noong nakaraang buwan ang ligtas na na-rescue sa Cavite City kahapon ng umaga, ayon sa Southern Police District (SPD).
Ayon kay SPD director, Chief Supt. Tomas Apolinario, na-rescue na si Princess Lousiana Bumatay, ng Barangay Ilaya, Las Piñas, sa Cavite City dakong 5:30 ng umaga kahapon.
Ito ay matapos madakip ang umano’y dumukot sa kanya na si Giselle Omayan, nasa hustong gulang, sa Bgy. Mabolo, Bacoor, Cavite kamakailan.
Binanggit ang police report mula sa Las Piñas Police, sinabi ni Apolinario na si Omayan ay inaresto nitong Martes, habang sa follow up operation naman nadakip ang sinasabing kasabwat niya na si Cerio Cinolete, 26, barker sa Kawit, na naging sanhi ng pagkaka-rescue sa bata.
Batay sa report, dakong 10:00 ng gabi nitong Disyembre 30 nang dukutin ang bata, at sa CCTV footage ay nakitang umiiyak habang karga ng isang babae, na kalaunan ay kinilalang si Omayan.