ni Dave M. Veridiano, E.E.
KUNG nakamamatay lamang ang pagmumura, panlilibak at kantiyaw na inabot ng miyembro ng Mandaluyong Police, marahil ay kasabay din silang pinaglalamayan ngayon ng dalawang napatay ng mga pulis dahil sa PALPAK na pagresponde sa may Barangay Addition Hills noong Huwebes.
Ang masama rito, kasabay na hinilang pababa – kung naniniwala kayong ito ay nasa itaas nga— ng pangyayaring ito ang IMAHE ng Philippine National Police (PNP) na kamakailan lang ay ipinagmamalaki ni PNP chief Dir. Gen. Ronald “Bato” dela Rosa na buo na ang tiwala ng sambayanan sa organisasyong kanyang pinamumunuan…Dito na inulan ng batikos si CPNP Bato na kamakailan lang ay ipinahayag ng Pangulo na palalawigin pa ang termino ng ilang buwan mula sa napipintong pagreretiro sa serbisyo ngayong taon.
Pinagpipiyestahan sa social media ang PALPAK na pagresponde ng Mandaluyong Police na ikinamatay nina Jonalyn Ambaon at Jomar Hayawon at ikinasugat din nina Eliseo Aluad at driver na si Danilo Santiago at dito bumuhos ang batikos laban kay CPNP Bato at sa buong PNP.
Kaya naman agad kong inikutan ang mga paborito kong bangketa at iskinita na tahanan ng mga kargador at vendor, saka sa terminal ng UV Express at tricycle sa ilang bahagi ng Metro Manila, upang pulsuhan ang damdamin ng pangkaraniwang tao sa lansangan. Halos magkakapareho ang reaksiyong aking nakuha – “Walang ipinagbago ang mga pulis, mga trigger happy at walang respeto sa buhay ng mga mahihirap na tulad natin!”
Sa kumpulan ng mga UV driver sa Cubao ay ito ang narinig ko na agad kong sinang-ayunan: “Matindi pala ang mga barangay tanod sa Mandaluyong, mga kargado kaya mas mabilis pang bumunot kesa pulis!” Sabad naman ng dispatcher: “Sigurado ako, kung may lisensiya man ang baril ng mga tanod, walang permit to carry ang mga yun. Ang hirap kayang kumuha ng permit, ‘yung amo ko nga mayaman na ‘di pa rin maisyuhan, eh!”
Ang mga tricycle boys naman sa Novaliches, mga pulis ang puntirya ng kanilang panlilibak na natatapos sa tawanan: “Sa pelikula tapos na ang labanan ‘pag dumating ang mga lespu, sa Mandaluyong mabilis pa sila sa Kidlat, kaya lang, ‘wrong send’ naman, kaya ayun dalawa agad ang patay!”
May kargador at tindero sa Kalentong sa Mandaluyong na matindi rin ang komento, at ang isang ito ang tumimo sa aking isipan: “Kung minsan talaga mahirap tumulong sa mga biktimang tulad nung nabaril na babae. Tutulong ka lang ikaw pa ang mapagbibintangan at madidisgrasya. Kaya dapat sa buhay natin, wala na lang pakialaman. Lalo na tayong mahihirap, barya lang para sa mga pulis ang buhay natin!” Sinagot naman ito ng mamang nagtutulak ng kariton ng buko: “Ang buhay natin barya, pero ang LAGAY sa pulis saka d’yan sa mga nakikisawsaw na de-baril na tanod, dapat BUO para makapasok at makapaglako ka sa lugar nila!”
Agad na sinibak ni Dir. Oscar Albayalde, hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO), si Sr. Supt. Moises Villaceran, hepe ng Mandaluyong Police, at ang 10 pulis na sangkot sa pamamaril. Kasama sa kakasuhan ang mga tanod na umano’y nagbigay ng maling impormasyon.
Ang narinig kong reaksiyon sa isang pasahero ng UV Express na biyaheng Quezon Avenue sa Maynila: “Nasibak? Tapos ano’ng mangyayari? Ililipat lang ng ibang istasyon ang mga iyan, ‘pag lumamig na ang isyu, at iba na ang pinag-uusapan sa mga radyo at diaryo, balik lahat ‘yan sa serbisyo na parang walang nangyari!”
Nakapanlulumo…Nasaan na kaya ‘yung ipinagmamalaki ni CPNP Bato na tiwala ng mga mamamayan sa kanyang liderato?
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]