ni Bert de Guzman
MAGANDA at makahulugan ang payo ni Pope Francis sa mga mamamayan ng mundo ngayong 2018: “Kalimutan at itakwil ang walang halagang pabigat o basura sa buhay. Itakwil o iwasan ang pagiging materyalistiko. Iwasan ang walang katuturang mga salita o tsismis.”
Ipinahayag ito ng Santo Papa sa selebrasyon ng misa noong New Year sa St. Peter’s Basilica. Nais din ni Lolo Kiko na bawat tao ay humanap o magkaroon ng kahit kaunting panahon (o sandali) ng katahimikan araw-araw sa piling at pakikipag-usap sa Diyos.
Sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa Maykapal, sinabi ni Pope Francis na magiging malaya ang tao sa tinawag niyang “banality of consumerism” o hilig-materyal, makaiiwas sa taginting ng komersiyalismo, ng patuloy na ingay at kaluskos na tinagurian niyang “empty chatter and loud shouting.”
Sa misa sa St. Peter’s Basilica, kinondena ng Santo Papa, ang nagaganap ngayong mga digmaan, inhustisya, pagwasak sa kapaligiran at lipunan. Ipinayo niya ang pagtalikod sa “all sorts of useless baggage to rediscover what really matters-- and start from there.” Dagdag pa ni Lolo Kiko: “The wars are the flagrant sign of this repeated and absurd pride.”
Dahil sa kautusan (Executive Order 28) ni Pres. Rodrigo Roa Duterte na ipagbawal ang walang habas na paghahagis ng rebentador at iba pang uri ng paputok sa pagdiriwang at pagsalubong sa Bagong Taon, malaki ang ibinaba ng mga insidente ng pinsala, sugat at kamatayan sa mga tao. Ayon sa Department of Health, may 105 kaso lang ng pagkakasugat o pinsala ang nairekord nila sa New Year’s Eve o pagbaba ng 68 porsiyento kumpara noong nakaraang taon (2017) na may 413 kaso ng pinsala at pagkakasugat dahil sa walang habas na pagpapaputok.
Hulaan nga ninyo mga kababayan kung sino ang gov’t official na sisibakin ngayon (Enero 3) ni PRRD? Ayon kay presidential spokesman Harry Roque, nais sana ni Mano Digong na tanggalin o sibakin na ang naturang opisyal noong Linggo ngunit nakumbinse niya ang Pangulo na ihayag na lang ito ngayon.
Ihahayag na sana ni Roque ang pagsibak sa pinuno noong Sunday (Dec. 31) subalit ipinasiyang gawin na lang ito sa Enero 3 upang ma-enjoy naman ng opisyal ang Bagong Taon. Samakatuwid, hindi alam ng pinuno na siya pala ay sisibakin. Ang sisibakin daw ay isang high-level official. Nosi ka?
Nakikiusap ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa publiko na kung maaari ay itigil nila ang pagpo-post sa social media o Facebook ng walang-mukhang P100. Ito ay magdudulot lang ng duda sa kredibilidad ng pera ng bansa. Sige BSP, hindi ako magpo-post nito upang hindi kayo malagay sa alanganin, pero please naman, mag-ingat sana kayo sa pag-iimprenta.
Dahil dito, maraming biruan ngayon bunsod ng faceless P100 bills. Noon, ang biro ay “Mabuti pa ang pera may tao.” Ngayon daw “Ang tao ay may pera, pero ang pera walang tao.” Anyway, Masaganang Bagong 2018 sa ating lahat, at sana’y magkaroon tayo ng pera na may tao upang tayo’y sumagana!