Nina MARTIN A. SADONGDONG at BELLA GAMOTEA
Apat na hindi pa nakikilalang magnanakaw ang pumasok sa loob ng isang hotel sa Pasay City, at tinangay ang tinatayang nasa P4 na milyong cash at iba pang gamit mula sa management, guests at hotel employees kahapon, isang araw matapos ang Bagong Taon.Ayon kay Police Officer 3 Catalino Gazmen, case investigator, apat na magnanakaw na tinatayang nasa edad 25-30 ay armado ng baril nang pasukin ang Mabuhay Manor Hotel na matatagpuan sa No. 2933 Ortigas Street, Pasay, dakong 3:19 ng madaling araw.
Mapapanood sa closed-circuit television (CCTV) footage sa loob ng hotel ang pagpasok ng apat na suspek sa lobby habang ang ilang guests ay papalabas na ng hotel.
Kabilang sa mga biktima ang magkapatid na sina Dominador Castro, 57; Roberto Castro, 50, at si Josephine Tadoy, 54; ang kanyang asawa na si Alex, 62; Rudy de Guzman, 48, night auditor ng hotel; Jay-ar Papa, 24, front desk clerk; at Jho-an Jabagat, 30, security guard.
Sa eksklusibong panayam sa Balita, sinabi ni Josephine na magche-check out na sila sa hotel at babayaran na ang kanilang bill nang pumasok ang mga suspek at nagdeklara ng hold-up.
Sinabi ni Josephine na ang kanyang kapatid na si Dominador, na kararating lang mula sa United States, ay nag-check-in sa nasabing hotel noong Nobyembre 26.
Base sa police report, agad dinisarmahan ang guwardiyang si Jabagat nang dumating ang mga suspek, habang sinabi ni Josephine na nakasuot ng face mask ang tatlo sa mga suspek.
“Pa-check out na sana kami dahil pupunta kami ng Pangasinan at Nueva Ecija to meet our relatives. Pagpasok nila (mga suspek), pinadapa kami tapos ‘yung isang suspek na walang takip ang mukha sumisigaw siya ‘Nasaan ang vault, nasaan ang vault?!’” paggunita ni Josephine.
Makalipas ang ilang sandali ay nilapitan ng suspek na hindi naka-face mask ang desk clerk na si Papa at inumpog ang ulo nito sa pader nang tumangging ituro ang kinalalagyan ng vault, ayon kay Josephine.
“Humingi ako ng tubig kasi hina-highblood na ako. ‘Yung kapatid ko (Roberto) humingi ng tubig sa mga suspek, buti binigyan naman kami pero binantaan kami na ‘wag daw kami gagawa ng ingay kasi papatayin daw kami,” dagdag niya.
Isa naman sa mga suspek ang sumapak sa team leader na si De Guzman habang siya ay nasa cashier, isinubsob sa sahig at ipinaturo at ipinabukas ang vault.
Ilan sa mga tinangay ng mga suspek ay ang Presidente Rolex watch ni Dominador; cell phone; backpack; gintong kuwintas at gintong singsing na nagkakahalaga ng USD 62,015; relo ni Roberto, eyeglass, Ipad, powerbank at cellphone na aabot sa kabuuang USD 2,900 at P3,000 cash; backpack ni Josephine; cell phones, wedding ring, gintong bracelet, dollars, earrings na nagkakahalaga ng USD2,100 at P12,000 sa kabuuan; at P10,000 cash ni Alex; cell phone, digital watch, gintong singsing na nagkakahalag ng USD1,730; ID bank accounts; at maging ATM cards ay tinangay sa magkapatid.
Samantala, tinangay din ng mga suspek ang P6,000 ni De Guzman; cell phone ni Papa na nagkakahalaga ng P12,000; caliber .38 revolver at cell phone ni Jabagat na nagkakahalaga ng P13,000 at ang kita ng management na P53,000 at ang company phone na nagkakahalaga ng P6,000.
INSIDE JOB?
Sinabi ni Gazmen na sinisilip nilang inside job ang isa sa mga posibleng motibo sa pagnanakaw dahil “the management of the hotel failed to deposit their hotel income to the bank.”
“Tinitingnan natin ‘yan dahil posibleng may nagsabi sa isa sa mga empleyado ng impormasyon na hindi na-remit ‘yung kita ng hotel sa mga suspek,” sinabi niya sa hiwalay na panayam.
Tumakas ang mga suspek, gamit ang Hyundai Starex van, patungo sa direksiyon ng Service Road sa Roxas Boulevard makalipas ang ilang minuto. Inaalam pa ang plaka ng van, ayon kay Gazmen.
“Kung inside job man ‘yun, sana makonsensya siya dahil kararating lang ng kapatid ko (Dominador) tapos Bagong Taon ganito ang nangyari sa amin. Kakabirthday lang niya kahapon eh ngayon na-trauma kaming lahat sa nangyari,” sabi ni Josephine.