NAGPATULOY noong nakalipas na linggo ang nakalulungkot na nangyayari sa Philippine National Police (PNP) nang ratratin ng mga pulis-Mandaluyong ang isang humaharurot na van sa pag-aakalang sakay dito ang mga armadong bumaril sa isang babae, na siyang aktuwal na lulan sa sasakyan para isugod sa ospital.
Tatlong taon na ang nakalipas nang 44 na operatiba ng Special Action Force (SAF) ng PNP ang nasawi sa isang operasyon upang dakpin ang teroristang Malaysian sa Mamasapano, Maguindanao. Kinilala bilang mga bayani ang 44 na nagbuwis ng kanilang mga buhay para sa iisang hangarin — ang matuldukan ang banta ng dayuhang terorismo sa pamahalaan at demokrasya ng bansa. Ang SAF 44 ay kabilang sa pinakamahuhusay sa PNP.
Gayunman, simula noon ay maraming tauhan ng PNP ang nasangkot sa iba’t ibang insidente na nagbigay ng batik sa magandang imahe ng pambansang pulisya.
Itinalaga ni Pangulong Duterte ang PNP para pangunahan ang kampanya kontra droga ng pamahalaan at agarang tumupad sa kanyang atas ang mga pulis. Sa iba’t ibang dako ng bansa, daan-daang tao ang napaulat na napatay, karamihan sa kanila — ayon sa pulisya — ay binaril nang manlaban sa pag-aresto. Ang isa sa mga biktima ay nasa presinto na nang igiit ng mga pulis na pinaputukan umano sila nito kaya binaril nila at napatay.
Ang pagkamatay ng isang binatilyo — si Kian Loyd delos Santos — sa isang operasyon kontra droga sa Caloocan ang labis na ikinagalit ng publiko. Kaya naman nagpasya ang Pangulo na bawiin sa PNP ang pagpapatupad ng kampanya kontra droga at itinalaga ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) upang pangunahan ang mga operasyon laban sa ipinagbabawal na gamot. Inatasan niya ang hepe ng PNP na tutukan ang paglilinis sa mga “scalawag” sa pulisya na nagbibigay ng masamang imahe sa mga pulis.
Noong nakaraang linggo, ang Mandaluyong Police naman ang nasa sentro ng panibagong kontrobersiya. Pinaulanan ng bala ng mga pulis, na rumesponde sa isang insidente ng pamamaril, ang van na inakala nilang kinalululanan ng mga suspek. Subalit ang sakay sa van ay ang babaeng nabaril at isusugod sana sa ospital upang malunasan. Tuluyang nasawi ang nasabing babae at isa pang sakay sa van dahil sa paulit-ulit na pamamaril ng mga pulis — sa maling sasakyan.
Sa huling nabanggit na insidente ay nagkasa na ng mga imbestigasyon ang pamunuan ng PNP sa trahedya sa Mandaluyong. Kinakailangan na marahil na magsagawa ng mas malawakang pagsisiyasat upang matukoy kung ang ganitong uri ng pagresponde ay mayroon din sa iba pang unit ng pulisya sa bansa. May mabuting pangalan at reputasyon ang PNP na kinakailangang pangalagaan at protektahan. Hindi na dapat pang maulit ang gaya ng nangyari sa Mandaluyong.